Lumapag na sa Villamor Airbase ang US Airforce MacArthur C-130 plane mula sa Okinawa, Japan. Lulan nito ang tatlong makasaysayang kampana ng Balangiga Church sa Eastern Samar, na ibinalik ng U.S. government sa Pilipinas.

Nakapinta sa U.S. C-130 plane ang The Spirit of MacArthur na may mukha ni U.S. General Douglas MacArthur, na nadestino sa Pilipinas noong World War II.
Si MacArthur ang nagbigkas ng pangakong “I shall return,” nang iwanan niya ang Corregidor Island noong March 11, 1942, para tumakas patungo sa Australia dahil napapaligiran na sila ng Japanese soldiers.
Nang makarating siya sa Melbourne, Australia, noong March 2, sinabi ni MacArthur sa kanyang talumpati ang kanyang famous words na “I came through and I shall return,” na tinupad niya dahil bumalik siya sa Pilipinas noong October 20, 1944.
Ang makasaysayang pangyayaring ito ay maihahalintulad sa pagbabalik ngayon sa bansa ng Balangiga Bells.
Hawak ng film direktor na si Chito Roño ang karapatan para isapelikula ang Balangiga Massacre at umaasa siyang matutuloy na ang kanyang proyekto sa pagbabalik-Pilipinas ng Balangiga Bells—na simbolo ng pagkatalo ng American soldiers mula sa mga residente ng Balangiga sa Eastern Samar.
Inatake ng mga residente ang mga sundalo noong September 28, 1901, para ipaghiganti ang pagsunog ng mga sundalong Amerikano sa naturang bayan.
Ang Balangiga Massacre ang isa sa mga matinding pagkatalo na naranasan ng American soldiers sa Philippine-American war mula 1899 hanggang 1902.
Tinangay ng American soldiers at dinala sa Amerika ang mga kampana ng simbahan ng Balangiga bilang war booty o souvenir.
Kapag natuloy ang Balangiga movie project ni Chito, hindi ito ang kauna-unahang pelikula tungkol sa madugong pangyayari sa Samar.
Noong 1974, gumawa ng pelikula si former Senator Ramon Revilla, Sr., ang Sunugin ang Samar, na mula sa direksyon ni Joey Gosiengfiao at produksyon ng Sine Pilipino.

Natatandaan namin na pinilahan ang Sunugin ang Samar nang ipalabas ito sa mga sinehan noong July 10, 1974.
Ang Sunugin ang Samar ang isa sa memorable movies na pinagbidahan ni Mang Ramon.
Interestingly, active na uli sa pagpo-produce ng mga pelikula ang Imus Productions, ang family-owned movie company ng mga Revilla.
Ngayong malaya na si former Senator Bong Revilla, Jr. at kung interesado ito, good idea na mag-produce ng remake ng Sunugin ang Samar ang Imus Productions na siya ang bida dahil magandang comeback vehicle ito para sa kanya.