Tinatanggihan ng production staff na makatrabaho ang isang aktres dahil sa email na ipinadala nito sa network management.
Ang mga reklamo ng aktres laban sa production staff ang nilalaman ng email.

Nakarating sa production staff ang ginawa ng aktres kaya nagtampo sila.
May katuwiran para magtampo ang production staff dahil maganda ang pakikisama nila sa aktres at maayos na maayos ang kanilang pagtatrabaho.
Nagulat sila nang malaman nilang may mga puna pala ang aktres sa lahat ng kanilang mga kilos sa taping.
Nagtataka ang production staff dahil imbes na kausapin sila, dumiretso sa management ang aktres na malaki umano ang ipinagbago ng ugali nang mabigyan ng malaking break ng home studio niya.
Napatunayan naman ng network management ang pagiging reklamador ng aktres dahil sa komento nito sa social media na hindi naman niya napanindigan.
Kinausap at pinangaralan ang aktres ng kanyang kaibigang artista na importanteng pakisamahan niya nang mabuti at ituring na pamilya ang production staff na mas mahirap ang trabaho dahil sila ang nauuna na dumating at nahuhuli na umalis sa set.
Barya rin ang kinikita ng production staff kung ikukumpara sa talent fee na natatanggap nila.
It’s payback time para sa production staff dahil tumatanggi silang tanggapin ang mga project na kasama ang aktres.
Mas pipiliin daw nilang magpahinga muna kesa makatrabaho ang aktres, na mabait kapag kaharap pero maraming sinasabi laban sa kanila kapag nakatalikod sila.