Mali ang mga naunang balitang nagpakalbo si Robin Padilla para sa role niya sa Bato: The Gen. Ronald Dela Rosa Story.
Gumamit lamang siya ng bald cap prosthetic sa mga eksena ng kanyang pelikula na mapapanood sa mga sinehan sa January 30.
Pero totoong ginupitan ni Robin ng buhok ang sarili at kinunan ang eksena Miyerkules ng gabi, January 23.

Nang makausap ng Cabinet Files si Robin, ikinuwento nitong binantayan siya ng kanyang favorite haircutter na si Jing Monis dahil baka ituloy niya ang pagkalbo sa sarili.
Ipinagtapat din ng action superstar na may kinalaman si Senator Manny Pacquiao kaya tinanggap niya ang movie project ng ALV Productions na ire-release ng Regal Entertainment, Inc. sa mga sinehan.
"Si Jayke Joson ho ang kumidnap sa akin, galing sa pagpapahinga, dinala ako sa Shangri-La sa utos siyempre ni idol Manny Pacquiao na pag-usapan namin ang pelikulang ito.
"Senator Manny, maraming salamat sa 'yo," sabi ni Robin sa presscon ng pelikula kahapon, January 24.
Ayon kay Robin, nag-enjoy siya sa shooting ng Bato dahil nakasama niya muli ang mga dating kasamahan sa kanyang past action films.
"Nagpapasalamat po ako sa Panginoong Diyos nating lahat dahil nagkaroon ng isang proyekto para magkita-kita kami uli ng aking mga kaibigan, yung aking mentor, si Val Iglesias.
"At sa matagal na panahon, pinangarap ko po na makapasok sa Regal at dumating sa pagkakataon na ’to, Regal Baby na ako. Hindi pa tayo huli.
"At siyempre, kami po ay masaya rin na nakatrabaho namin yung mga panahon ngayon [na artista].
"Reunion po itong pelikulang ito, reunion, sabi nga ni Pareng Monsour del Rosario.
"Sabi niya kahapon, 'Pare, old school ‘to.'
"Lahat ng old school, naririto. Napakasarap pong pakinggan ng old school kasi yung old school, walang daya.
"Lahat ng stunts noong araw, kasama ang lahat ng proper training. Hindi puwede na wala kang training, at yun ang ikinatutuwa namin.
"Tuwang-tuwa kami na naa-appreciate ng lahat yung trabaho—mula sa utility, direktor…
"Ganoon ang old school, pakikisama. Yung pagmamahal mo sa trabaho.
"Hindi yung para kayong pabrika na lang kasi nasanay tayo sa network na parang kapag gumawa, wala nang mga puso.
"Pabrika na lang kayo, gawa na lang nang gawa, madalian.
"Pero yung old school, masyado naming minamahal yun.
"Yung pakikisama, huwag nating alisin yung pakikisama na kahit madaling-araw na, mga nakangiti pa tayo dahil mahal natin ang trabaho natin," pahayag ni Robin.