Paul Salas, posible kayang ma-in love sa isa pang Barbie?

From Barbie to Barbie.

"Nagkataon lang po," napangiting sagot ni Paul Salas sa obserbasyon ng Cabinet Files na si Barbie Forteza ang makakasama niya sa Kara Mia pagkatapos pagpistahan ang controversial breakup nila ng kanyang ex-girlfriend na si Barbie Imperial.

IMAGE Noel Orsal

Mayamang pinsan ng karakter ni Jak Roberto ang role ni Paul sa Kara Mia.

Magkakagusto sa kanya si Kara, ang pangalan ni Barbie sa prime-time series ng GMA-7 na mapapanood simula sa Lunes, February 18.

Sa tunay na buhay, malabo ang posibilidad na ma-link si Paul kay Barbie Forteza dahil sa relasyon ng aktres kay Jak.

"Masaya silang kasama dahil walang ilangan."

Naniniwala ni Paul na advantage kapag may relasyon ang mga co-star niya, gaya nina Jak at Barbie.

"Sa acting nila, natural na natural and yung dalawa, kasi matched na matched talaga sa para sa isa’t isa.

"Pareho sila ng ugali, parehong madaldal, parehong laging nakakatawa, masayang kasama.

"Siguro talagang mature na sila. Mature na yung thinking nila.

"Kapag trabaho, trabaho sa kanila," mga obserbasyon ni Paul sa working relationship nina Barbie at Jak.

Sa biro na sinadyang isama siya sa cast ng Kara Mia dahil kay Barbie, "coincidence lang!" ang natatawa uling sagot ni Paul.

Nagpapasalamat siya sa GMA-7 management dahil sa project na ipinagkatiwala sa kanya.

Sabi niya, "Biglaan, bigla na lang nila akong tinawagan.

"Nakapag-acting workshop na yung tatlo, so parang may hinahanap silang isa.

"Parang hand-picked na rin po, hindi na ako nag-audition, kaya sobrang pasasalamat ko sa grabeng tiwala na ibinigay nila sa akin.

"Kakayanin ko yung role. Siyempre, ipu-prove ko sa kanila na kaya ko," sabi ni Paul.

May banta rin si Paul na handa siyang labanan ang abs ni Jak.

"May pa-abs din ako. Saka gym-gym din.

"Si Jak, talagang mabait. Tinutulungan niya ako sa mga workout namin.

"Talagang suportado namin ang isa’t isa."

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN