Mula nang pumasok sa showbiz si Marco Gumabao noong 2012, alam ng lahat na anak siya ni Dennis Roldan.
Pero hindi naiwasang may mga baguhang reporter na hindi nagre-research tungkol sa mga artistang iniinterbyu nila kaya sila ang nalalagay sa awkward position, na walang ipinagkaiba sa mga sundalong sumusugod sa giyera na walang dalang bala.

Sa recent presscon ng Ulan, nabanggit ni Marco na gusto nitong sundan ang yapak sa showbiz ng kanyang ama, kaya tinanong siya ng kausap na reporter kung sino ang tatay niya.
Dahil likas na polite si Marco, sinagot niya nang maayos ang tanong.
Kahit sa mga nakaraang presscon na pinupuntahan niya, ang kalagayan ng kanyang ama ang madalas na kinukumusta ng entertainment writers na ginagawa ang kanilang mga homework para hindi malagay sa alanganin na sitwasyon at hindi makuwestyon ang kredibilidad nila.
Ang nangyari kay Marco ay reminiscent ng karanasan ni Lovi Poe sa presscon ng unang record album niya na ginanap sa isang five-star hotel sa Pasig City noong 2006.
At the time, all over the papers si Lovi dahil headline ng mga entertainment section ang kanyang pagpasok sa showbiz at ang pagiging anak niya ng King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr., na sumakabilang-buhay noong December 14, 2004.
Sa open forum, diretsahang tinanong si Lovi ng isang entertainment editor kung related siya kay FPJ dahil magkapareho sila ng apelyido.
Gaya ni Marco at kahit nagtaka, maayos na sinagot ni Lovi ang clueless entertainment editor, pero awkward ang naging pakiramdam ng ibang mga invited press sa narinig na tanong.
Postscript: Ang Ulan ang fourth movie ni Marco sa Viva Films mula nang lumipat siya sa Viva Artists Agency noong September 2017.
Para kay Marco, isang malaking privilege na makatrabaho niya si Nadine Lustre sa Ulan, kahit may mga nang-iintriga na wala ang litrato niya sa poster ng pelikula.
Second boyfriend ng karakter ni Nadine ang role ni Marco, pero hindi ito nagkaroon ng pagkakataong makasama sa eksena si Carlo Aquino.