Kinukuwestiyon ni re-electionist U.S. President Donald Trump ang pagbibilang sa electoral votes nila ng katunggaling si dating Vice President Joseph Biden, kasabay ng akusasyong nagkaroon ng “major fraud” sa katatapos na presidential elections.
Isinagawa ang eleksyon sa Amerika nitong Martes, November 3 (Miyerkules, November 4, sa Pilipinas).
Inihalal ng mga Amerikano ang mga mamumuno sa kanila sa susunod na apat na taon.
Lamang sa bilangan ng boto ang sapul ay frontrunner na si Biden, 77.
Si Biden ay nagsilbing Vice President (2009-2017) ng Amerika sa ilalim ng administrasyon ni former President Barack Obama.
Nauna rito, 36 na taon siyang senador sa state ng Delaware.
Running mate ni Biden si California Senator Kamala Harris.
At press time, nakakuha si Biden ng 238 electoral votes laban sa 213 ni Trump, iniulat ng The Associated Press.
Kailangang makakuha ng 270 electoral votes ang isang presidential candidate para maideklara ang opisyal nitong pagkapanalo.
VOTES ARE STILL BEING COUNTED
Kumpirmado ang pagkapanalo ni Trump, 74, sa states ng Florida, Ohio, Iowa, at Texas.
Nakopo naman ni Biden ang Arizona, New Hampshire, at Minnesota.
Bagamat malaki ang lamang ni Biden kay Trump, ang natitirang binibilang na mga boto ay pawang mula sa battleground states, tulad ng Georgia, Michigan, North Carolina, Pennsylvania, at Wisconsin.
Ang makukuhang electoral votes sa battleground states ay makakaimpluwensiya nang malaki sa panalo ng sinuman kina Trump at Biden.
Kumpara sa nakalipas na mga halalan, matagal ang bilangan ngayong taon dahil sa mga mail-in o absentee ballots na ginawang opsiyon ngayong may pandemic.
Sa nakalipas na mga araw, nauna nang bumoto ang ilang Amerikano sa pamamagitan ng mail-in upang maiwasan ang siksikan sa polling centers nitong November 3.
Kinailangang pumili ng mga botante sa pagitan ng isang re-electionist na hinihinalang nagbunsod ng pagkakawatak-watak ng mga Amerikano, at ng isang veteran politician na nangangakong ibabalik ang “soul” ng Amerika bilang isang bansa.
TRUMP CRIES “FRAUD”
Sa kasagsagan ng lumalaking lamang ni Biden, mariing tinutulan ni Trump ang resulta ng halalan.
Pasado 2:00 ng madaling-araw (mag-aalas kuwatro ng hapon sa Pilipinas), hinarap ni Trump ang kanyang mga tagasuporta sa White House.
Sa umpisa ay pinasalamatan ni Trump si First Lady Melania Trump at ang kanilang pamilya.
Nag-thank you rin ang bilyonaryong negosyante sa pamilya ng running mate niyang si incumbent Vice President Mike Pence.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang lahat ng bumoto sa kanya, at isa-isang binanggit ang mga states kung saan nanalo siya.
Matapos nito, nagpakawala na ng tirada si Trump laban sa kampo ni Biden.
Ang alegasyon ni Trump, may nangyaring “fraud” daw sa bilangan ng electoral votes sa maraming estado.
Sabi ni Trump: “We were getting ready to win this election. Frankly, we did win this election.
“We were winning everything and all of a sudden we were all called off.
“This is a fraud on the American public. This is an embarrassment to our country.”
TRUMP: “WE WILL WIN THIS… WE ALREADY HAVE WON”
Ayon kay Trump, idudulog niya sa U.S. Supreme Court ang kinukuwestiyon niyang resulta ng eleksyon.
Iaapela raw niyang “all voting to stop,” kahit pa ilang oras na ang nakalipas makaraang matapos ang botohan.
Ang gustong ipatigil ni Trump sa Supreme Court ay ang pagbibilang ng mga electoral votes.
Sabi ni Trump: “This is a major fraud on our nation.
"We want the law to be used in the proper manner. So, we’ll be going to U.S. Supreme Court.
"We want all voting to stop.”
Sa kabila ng lahat, paulit-ulit na binanggit ni Trump na siya ang nanalo sa eleksyon.
“We will win this, and as far as I am concerned, we already have won.”
Sinabi ito ni Trump kahit hindi pa nakukumpleto ang pagbibilang ng mga boto at wala pang naidedeklarang panalo.
TWITTER FLAGS TRUMP’S “MISLEADING” POST
Bago pa man nagsalita sa White House, nag-akusa na si Trump sa isang tweet na may nangyayari umanong dayaan sa panig ng Democrats.
Ito ang naging reaksiyon ni Trump nang sabihin ni Biden nitong Martes ng gabi, sa harap ng mga tagasuporta nito sa Delaware, na "we believe we're on track to win this election."
Dagdag ni Biden: "Keep the faith, guys, we're going to win this."
Dito na nag-akusa si Trump ng pandaraya sa halalan.
Tweet niya: “We are up BIG, but they are trying to STEAL the Election.
“We will never let them do it.
“Votes cannot be cast after the Polls are closed!”
Gayunman, na-flag ng Twitter ang post na ito ng U.S. President bilang “disputed and might be misleading about an election.”
Kasunod ng tweet na ito ni Trump, inulit ni Biden sa kanyang 1.2 million Twitter followers ang sinabi niya sa kanyang mga tagasuporta sa Delaware.
Tweet ni Biden: “Keep the faith, guys. We’re gonna win this.”
BIDEN IS READY FOR A LEGAL BATTLE
Kinondena ng kampo ni Biden ang banta ni Trump na ipatitigil sa U.S. Supreme Court ang pagbibilang ng electoral votes.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Jen O’Malley Dillon, campaign manager ni Biden, na hindi ang sinuman kina Trump at Biden ang magpapasya sa resulta ng eleksiyon, kundi ang mamamayan ng Amerika.
“We repeat what the Vice President said tonight: Donald Trump does not decide the outcome of this election.
“Joe Biden does not decide the outcome of this election.
“The American people decide the outcome of this election.
“And the democratic process must and will continue until its conclusion."
Tiniyak naman ng kampo ni Biden na handa sila sa legal battle sakaling totohanin ni Trump ang banta nito.
"If the president makes good on his threat to go to court to try to prevent the proper tabulation of votes, we have legal teams standing by ready to deploy to resist that effort.
“And they will prevail,” dagdag ni Dillon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.