Unti-unting isinasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 13 U-turn slots sa EDSA.
Bahagi ito ng pagsasakatuparan sa EDSA Busway project ng ahensiya na layuning mapabilis ang biyahe ng lahat ng sasakyan sa pinakaabalang kalsada sa Pilipinas.
Alinsunod sa Busway project, gagawing eksklusibo ang innermost lane ng EDSA para sa mga pampublikong bus.
Sa report ng Manila Bulletin nitong Lunes, November 9, sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na mababawasan daw nang 20 minuto ang biyahe sa EDSA kapag naisara na ang 13 U-turn slots.
Target ng MMDA na maisara ang nabanggit na bilang ng U-turn slots hanggang sa December 2020.
Sa 13 U-turn slots, tatlo ang matatagpuan sa Caloocan City, pito sa Quezon City, isa sa Makati City, at dalawa sa Pasay City.
Gayunman, paunti-paunti—o kada dalawang linggo—ang gagawing pagsasara sa mga U-turn slots.
Ito ay upang maging pamilyar o magamay muna ng mga apektadong motorista ang alternatibong ruta—na magiging bagong ruta na—sa tuluyang pagsasara ng dinadaanang U-turn slot, sabi ni Pialago.
TAKE NOTE:
Narito ang 13 U-turn slots sa EDSA na isasara ng MMDA ngayong taon:
CALOOCAN CITY:
- General Tinio
- De Jesus Street-8th Street
- General Malvar
QUEZON CITY:
- Balintawak market, sa harap ng BPI
- Kaingin Road, sa harap ng Nissan
- LRT Roosevelt station-Congressional Avenue
- Corregidor-Bansalangin intersection
- Sa harap ng Quezon City Academy
- North Avenue, bago ang MRT station
- Santolan-Boni Serrano, sa harap ng Camp Crame
MAKATI CITY:
- Buendia, sa ilalim ng Kalayaan flyover
PASAY CITY:
- P. Celle
- Bago mag-Roxas Boulevard, malapit sa Heritage Hotel
FOUR OUT OF 13 U-TURN SLOTS HAD BEEN CLOSED
Sa kasalukuyan, apat sa 13 U-turn slots ang naisara na ng MMDA.
Simula nitong Lunes, sarado na ang U-turn slot malapit sa Dario Bridge sa EDSA-Balintawak.
Paabiso ng MMDA sa mga magde-detour na pa-southbound, maaaring gamitin ang U-turn slot sa Oliveros Drive, sa harap ng Shell station.
Ang mga pa-northbound naman ay pinapayuhang dumaan sa U-turn slot sa EDSA-Quezon Avenue flyover.
Nauna nang isinara ng MMDA ang U-turn slots malapit sa North Avenue, bago ang MRT station; ang nasa harap ng Quezon City Academy; at ang nasa intersection ng Corregidor at Bansalangin Streets, pawang nasa Quezon City.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.