Walang pasok sa gobyerno at sa mga pampublikong eskuwelahan sa Metro Manila at sa pitong iba pang rehiyon sa Luzon sa Biyernes, November 13, dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Inanunsiyo ito ni Presidential Spokesman Harry Roque ngayong Huwebes ng hapon, November 12.
Ayon kay Roque, ang suspensiyon ng pasok sa gobyerno at klase sa public schools ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ni Roque na sinuspinde ang pasok bukas sa mga tanggapan ng gobyerno at sa lahat ng antas sa public schools sa:
- Metro Manila
- Regions I
- Region II
- Region III (Central Luzon)
- Region IV-A (Calabarzon)
- Region IV-B (Mimaropa)
- Region V (Bicol) at
- Cordillera Administrative Region (CAR)
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Palasyo na mananatili ang operasyon ng ilang ahensiya ng gobyerno na naghahatid ng basic at health services, disaster preparedness, at disaster response.
Ipinauubaya naman ng gobyerno sa mga pamunuan ng mga pribadong kumpanya at eskuwelahan ang pagsususpinde ng pasok sa trabaho at klase ngayong Biyernes.
Nagdulot ng malawakang pagbaha, kawalan ng supply ng kuryente at tubig, at pagbagsak ng communication services ang pananalasa ng bagyong Ulysses sa mga nabanggit na rehiyon simula nitong Lunes, November 9, hanggang ngayong Huwebes.
Ayon sa latest severe weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tinatayang nasa labas na ng bansa ang Ulysses sa Biyernes ng umaga o hapon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.