Magpapatupad ng isang-linggong rotational water service interruption ang Maynilad sa Metro Manila at sa ilang lugar sa Cavite.
Pinapayuhan ng Maynilad ang mga customers nitong mag-ipon ng tubig kaugnay ng water service interruption na ipatutupad simula ngayong Miyerkules, November 18, hanggang sa Martes, November 24.
Ayon sa Maynilad, pinasok ng putik ang kanilang treatment plants kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Metro Manila nitong November 12.
“Dahil sa volume ng sludge na pumapasok sa aming treatment plants simula noong Huwebes hanggang sa kasalukuyan bunsod ng Bagyong Ulysses, kinakailangan naming linisin ang aming mga basin upang bumalik sa normal ang volume ng tubig na aming pinu-produce,” saad sa Facebook post ng Maynilad ngayong Miyerkules.
11 METRO CITIES, 5 CAVITE AREAS AFFECTED
Apektado ng rotational water service interruptions ang 11 lungsod sa Metro Manila at limang lugar sa Cavite.
Ito ay ang Caloocan City, Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, Manila, Pasay City, Makati City, Muntinlupa City, Parañaque City, Las Piñas City, at Quezon City.
Ilang oras ding mawawalan ng tubig sa Imus City, Bacoor City, Cavite City, Noveleta, at Kawit sa Cavite.
Magpapatupad ang Maynilad ng water supply window sa mga nabanggit na lugar upang mabigyan ng pagkakataon ang mga customers na makapag-imbak ng tubig.
Ang detalyadong schedule ng water service interruption ay makikita sa Facebook page ng Maynilad (https://www.facebook.com/MayniladWater).
Paalala pa ng Maynilad: “Kapag bumalik na ang supply ng tubig sa inyong lugar, maaaring malabo o may kulay ang unang labas ng tubig.
“Padaluyin muna ito nang panandalian hanggang sa luminaw ang tubig.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika