Nasa 22.9 milyong benepisyaryo sa NCR Plus ang inaasahang tatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno kaugnay ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ngayong Lunes, March 29, ang simula ng pagpapatupad ng ECQ sa NCR Plus—na binubuo ng National Capital Region (NCR), Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal—na tatagal hanggang sa Linggo, April 4.
Ibinalik ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ECQ dahil sa pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa NCR Plus ngayong March.
Sa Malacañang press briefing ngayong Lunes, sinabi ni DBM Secretary Wendel Avisado na ang 22.9 milyong benepisyaryo ay tumutukoy sa 80 porsiyento ng mahihirap na pamilya sa NCR Plus.
“Based on the latest populations statistics from NEDA [National Economic and Development Authority] there are estimated 22.9 million beneficiaries which correspond to the 80 percent low-income population in NCR, Bulacan, Rizal, Cavite and Laguna and these are the areas placed under ECQ,” sinabi ni Avisado sa Palace briefing.
Ayon kay Avisado, isinumite na ng DBM sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng kagawaran sa pagkakaloob ng ayuda sa mga apektado ng ECQ.
Gayunman, tumanggi ang DBM Chief na magbigay ng iba pang detalye.
Inaasahang isasapubliko ngayong araw ang mga pinal na detalye sa pamamahagi ng financial assistance sa mga maaapektuhan ng ECQ sa NCR Plus.
SAME SECTOR TO RECEIVE AYUDA
Kaugnay nito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang tatanggap ng bagong ayuda ay iyon ding parehong sektor na nakinabang sa cash aid noong nakaraang taon.
“Yung mga nakakuha noong ECQ noong una, sila din yung makakakuha,” sinabi ni Lorenzana sa interview sa kanya sa The Source ng CNN Philippines ngayong Lunes ng umaga.
Si Lorenzana ay chairman din ng National Task Force Against COVID-19.
Ayon sa opisyal, inilaan talaga ang ayuda para sa mga “very poor” na pamilya at para sa mga hindi makakapagtrabaho sa loob ng tatlong araw ngayong linggo.
Hindi pa raw nila napag-uusapan ang pinal na halaga ng ipamamahaging cash aid, ayon kay Lorenzana.
Pero posibleng nasa PHP1,000 hanggang PHP3,000 daw ito, anang opisyal.
Sa Social Amelioration Program (SAP) na inilunsad noong nakaraang taon para sa mga hindi nakapagtrabaho dahil sa ECQ, nasa PHP5,000 hanggang PHP8,000 ang ayudang natanggap ng mga benepisyaryo.
NEW COVID INFECTIONS HIT 10,016
Ngayong Lunes, naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakamaraming new COVID-19 infections na pumalo sa 10,016.
Dahil dito, 115,495 na ang kasalukuyang ginagamot sa virus.
Sumampa na sa 731,894 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa bilang na ito, 13,186 na ang pumanaw.