Extended o palalawigin pa ng isang linggo ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Ganito rin ang mangyayari sa Laguna, Rizal, Bulacan, at Cavite.
Magsisimula sa Lunes, April 5, 2021, ang extended ECQ sa National Capital Region at sa mga karatig-lalawigan, ayon sa official announcement ngayong gabi ng Malacañang Palace.
Inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bukod sa pinalawig na ECQ, kailangan ding palakasin ang Prevention Detection, Isolation, Tracing, and Rehabilitation (PDITR) sa mga nabanggit na lugar.
Required ang local government na magkaroon ng daily monitoring para malaman ang resulta ng PDITR, at kabilang dito ang pagbabahay-bahay, paninita sa mga taong sumusuway sa minimum health standard na pagsusuot ng face mask, paghahanap ng mga tao na may sintomas ng COVID-19, pagsasailalim sa kanila sa PCR testing, at paghihikayat sa lahat na magpabakuna.
Inihayag din ni Roque ang diumano’y good news na karagdagang 110 moderate to severe beds sa Quezon Institute para sa COVID-19 patients na hindi matanggap sa mga ospital na meron nang full capacity.
Kapag napatunayang mabisa ang extended one-week ECQ, maaari nang ibalik ang mga nasabing lugar sa Moderate Enhanced Community Quarantine o MECQ next week o simula sa April 12.