Ngayong punuan ang mga ospital at nariyan pa rin ang panganib ng COVID-19, maraming health facilities ang hindi na tumatanggap ng face-to-face consultations.
Upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente at ng healthcare professionals, pinakamainam na option sa ngayon ang telemedicine o tele-consultation.
Ang telemedicine ay ang online na pagkonsulta sa mga doktor, na pupuwedeng via chat o Zoom.
Sa pamamagitan nito, matutugunan pa rin ng mga doktor ang medical needs ng kanilang pasyente nang hindi sila pareho tumutuntong sa ospital—kung saan pinakamatindi ang panganib ng hawahan ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, telemedicine rin ang inirerekomenda ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 at non-COVID patients para ma-decongest ang mga ospital sa Metro Manila.
Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa, partikular sa Metro Manila, sa nakalipas na mga linggo.
Sa latest data ng DOH nitong Miyerkules, April 7, nasa 158,701 na ang kasalukuyang ginagamot sa COVID-19.
Lumobo na sa 819,164 ang kabuuang bilang ng total confirmed cases sa buong Pilipinas simula January 30, 2020, ayon sa DOH.
FREE TELE-CONSULTING SERVICES
Nitong Miyerkules, April 7, inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) ang isang Facebook page para sa libreng tele-consultation.
Ito ay ang Bayanihan E-Konsulta.
Para sa proyekto, nanawagan ng tulong si Vice President Leni Robredo sa iba’t ibang medical groups at healthcare professionals upang mailunsad ang Facebook page.
Ayon sa Bise Presidente, mayroon nang 2,300 doktor ang nag-volunteer para magbigay ng libreng konsultasyon sa mga pasyente, COVID-19 positive man o hindi.
“Ang gusto po naming i-target dito ay yung mga pasyente na hindi maka-access sa mga existing platforms either because wala silang pambayad sa doktor or mayroon namang mga free tele-consult service pero yung iba hindi maka-access dahil wala silang [mobile] data,” sinabi ni Robredo sa kanyang Facebook Live video nitong Miyerkules.
Paliwanag niya, ang Bayanihan E-Konsulta ay maa-access sa Facebook kahit free data ang gamit ng pasyente.
Disabled din daw ang comment section ng Bayanihan E-Konsulta page dahil ang request para sa tele-consultation ay gagawin sa pamamagitan ng Messenger.
Para sa mga nais kumonsulta, bisitahin ang Bayanihan E-konsulta Facebook page (https://bit.ly/BayanihanEKonsulta).
I-click ang Message button, at i-type ang “KONSULTA” o “TULONG” sa message box.
Matapos ibigay ang basic information ng pasyente, hintayin ang response mula sa volunteer doctor.
CALL ONE HOSPITAL COMMAND FOR COVID-19 PATIENTS
Sa parehong Facebook Live, nilinaw ni Robredo na sa ngayon ay limitado lang sa tele-consultation ang maibibigay na tulong ng Bayanihan E-Konsulta sa mga pasyenteng may COVID-19.
Wala raw kakayahan ang e-consult project na ito na magbigay ng referral sa mga ospital.
“Mayroon po tayong existing protocol na pag hospitalization na talaga ang kailangan, ire-refer po kayo sa One Hospital Command at tutulungan po namin kayo na maka-access,” ani Robredo.
Ang One Hospital Command ang itinalaga ng gobyerno para sa health facility referral sa Metro Manila.
Mako-contact ang One Hospital Command Center sa:
886-50500
0915-7777777
0919-9773333
Maaari ring makipag-ugnayan sa One Hospital Command sa pamamagitan ng Pure Force Citizens application, na mada-download nang libre sa Google Play at Apple Store.
OTHER DOH TELEMEDICINE PARTNERS
Bukod sa Bayanihan E-Konsulta, nag-aalok din ang DOH ng iba pang libreng e-consult services katuwang ang iba’t telemedicine partners ng kagawaran.
Ang mga sumusunod ay ang mga telemedicine service providers na rekomendado ng DOH at ang mga paraan kung paano makakapagpa-appointment sa kanila:
TelAventusMD
Lunes hanggang Sabado, 6:00 a.m. – 12:00 a.m.
Mag-message sa TelAventusMD Facebook page para makakuha ng appointment.
MedCheck E-Consult
Lunes hanggang Linggo, 8:00 a.m. – 5:00 p.m.
Mag-book ng appointment sa kanilang website: medcheck.com.ph.
TrinityCare
Lunes hanggang Linggo, 8:00 a.m. – 5:00 p.m.
Para magpa-appointment, i-download ang TrinityCare mobile app sa Google Play o App Store.
Maaari ring tawagan ang kanilang customer service hotline na 0917-1111975.
Cloud PX
Lunes hanggang Biyernes, 10:00 a.m. – 3:00 p.m.; Sabado, 10:00 a.m. – 12:00 p.m.
Bisitahin ang kanilang website na econsult.cloudmd.com.ph para sa appointment.
HealthNowPH
Para makapag-book ng appointment, bisitahin ang kanilang website: healthnow.ph.
SeeYouDoc
Bisitahin ang seeyoudoc.com para makapag-set ng telemedicine appointment.