Isang cameraman ng News5 ang nasugatan at isang babae ang nahimatay sa kaguluhan na nangyari nitong Linggo nang hapon, May 9, sa Gubat sa Ciudad Resort sa Caloocan City.
Pinagtulungan ng dalawang guests na bugbugin ang cameraman ng News5 dahil kinunan nito ng video ang mga bisita sa loob ng Gubat sa Ciudad.
Hinimatay naman ang isang babae nang pasakayin ng mga pulis sa mobile vehicle ang kanyang mga kasama na inaresto.
Dumating ang mga miyembro ng Caloocan Police sa naturang resort para pauwiin ang mga pasaway na tao na nagtipun-tipon at naligo sa swimming pool, kahit ipinatutupad pa ang Moderate Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Mga bata at matatanda ang nakunan ng video at litrato habang magkakadikit na naliligo sa swimming pool ng Gubat sa Ciudad—walang mga suot na facemask, lumabag sa ipinagbabawal na mass gathering, at walang takot sa COVID-19.
Mabilis na ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca" Malapitan na sampahan ng kaso ang Gubat sa Ciudad management, ang barangay chairman ng Barangay 171, at ang lahat ng mga tao sa loob ng resort.
Sinabi ni Malapitan na ipapataw sa mga may-ari at operator ng resort, sa mga bisita nito, at sa pinuno ng Barangay 171 ang buong puwersa ng batas dahil sa paglabag sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ipinakakansela ni Malapitan ang business permit ng Gubat sa Ciudad at nagbigay rin siya ng direktiba na magkaroon ng malawakan na contact tracing, close monitoring, at RT-PCR testing para sa lahat ng mga tao na walang konsiderasyon sa kapwa, pinairal ang katangahan at katigasan ng ulo, kinalimutan na may pandemya at hindi sumunod sa mga pinaiiral na health protocols para lang maipagdiwang ang Mother’s Day, sa kabila ng matinding panganib na hatid ng COVID-19.