Suspendido muna ang pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Ukraine dahil sa pagpapatuloy ng digmaan sa pagitan ng nasabing bansa at ng Russia.
Ito ang inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong March 14, 2022.
Ayon kay POEA chief Bernard Olalia sa ginanap na Laging Handa briefing, dahil itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang krisis sa Ukraine, naglabas ang POEA governing board noong March 9 ng kautusan na walang OFWs na papayagang umalis para magtrabaho roon.
Sinabi rin niya na kakaunti ang OFWs na nagtatrabaho sa Ukraine.
Ani Olalia, “In 2014, we no longer deployed OFWs to Ukraine, because of Alert Level 2. The only OFWs who are allowed there are what we call returning workers.
“In 2021, there were no returning workers, but last 2020 there were four; in 2019 there were 12. They are our domestic workers and also skilled and professional workers.”
Mananatili aniya ang deployment ban habang may conflict. Aniya, “So, if the uncertainly will continue, our alert level will also remain and so as deployment ban.”
Karamihan umano sa mga OFWs na land-based ang trabaho ay nailikas na, at ang natitira na lang ay ang mga may asawang Ukrainians.
Sinabi rin niya na nakahanda ang pamahalaan na tulungang makahanap ng trabaho sa ibang bansa ang mga nailikas na OFWs.
Ang pinakamalaking hamon ayon kay Olalia ay kung paano maililikas ang mahigit 200 marinong Pinoy na nasa barko pa at nakadaong sa dagat ng Ukraine habang may bakbakang nagaganap.
Aniya, “We are currently arranging their repatriation using the humanitarian corridor, as what we call it.”