May libreng sakay para sa mga commuters ng MRT-3 mula March 28 hanggang April 30, 2022.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong March 22 kasabay ng inagurasyon ng MRT-3 rehabilitation project sa Shaw Boulevard station sa Mandaluyong City.
Ayon sa Pangulo, "I’d like to announce that Sec. [Arthur] Tugade and I decided that the MRT-3 rides will be free.
“Hindi naman forever. From March 28 to April 30, 2022.”
Sa isinagawang rehabilitasyon, nadagdagan ang bilang ng mga tren ng MRT-3. Mula sa dating 12 hanggang 15, mayroon na ngayong 18 hanggang 22 tren na bumibiyahe.
Napaikli rin at napabilis ang travel time.
Kung dati ay 75 minuto ang inaabot mula North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station, ngayon ay 45 minuto na lang.
Ang dating bilis ng biyahe na 15 kilometers per hour, naging 60 kilometers per hour naman.
Ang travel interval ng mga tren ay napabilis na rin sa apat na minuto na lamang.
Anang Pangulo, “This progress will decrease, if not altogether stop the number of unloading incidents in our stations.”
Magiging magaan na rin ang pag-akyat at pagbaba sa mga istasyon ng MRT dahil fully operational na ang mga elevators at escalators.
Ang proyekto ay pinondohan ng PHP17.3 bilyon mula sa Official Development Assistance (ODA) ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), at sinimulan noong November 8, 2018.