Muling binuksan ng Intramuros sa publiko ang walong simbahan at kapilya nito para sa Visita Iglesia ngayong Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Matatandaang dahil sa pandemya, dalawang Semana Santa ang nagdaan na sarado ang Manila Cathedral, San Agustin Church, Guadalupe Shrine (Fort Santiago), Shrine of Jesus, Divine Teacher, Santa Rita Chapel, Letran Chapel at St. Matthew's (BIR Chapel).
Naglagay rin sila ng mapa sa entrance ng Intramuros bilang guide ng mga magbi-Visita Iglesia.
Ayon kay Intramuros Administration (IA) Chief Guiller Asido, handa ang mga establisyemento sa Intramuros sa pagdagsa ng mga bisita.
Aniya, "This is the first time after two years that we're doing this again. We're ready for the influx. Everyone is ready."
Nakipag-ugnayan na ang IA sa City of Manila, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines para sa mapayapa at tahimik na paggunita sa Holy Week sa loob ng tinaguriang walled city.
Noong 2019 Holy Week, umabot sa isang milyong bisita ang nagpunta sa Intramuros.
Dahil kokonti pa ngayon ang mga dayuhang turista, baka hindi pa maabot ng Intramuros ang ganoon karaming bilang ng bisita, ayon kay Asido.
Ibinahagi rin niya na ang Stations of the Cross installations ay ilalagay sa kahabaan ng General Luna Street mula Beaterio Street hanggang Muralla.
Sarado naman ang General Luna Street sa mga motorista mula gabi ng Holy Wednesday hanggang Good Friday para maiwasan ang pagsikip ng trapiko.