Ang panukalang ibalik ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa orihinal nitong pangalan na Manila International Airport (MIA) ay nangangailangan ng “congressional action.”
Ito ang inihayag ng Malacañang ngayong araw, April 19, 2022.
Ayon kay Communications Secretary and Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa ginanap na online Palace press briefing, “There has to be a Congressional action to repeal Republic Act [RA] No. 6639 which renamed MIA to NAIA.”
Matatandaang noong November 17, 1987 ay naisabatas ang RA No. 6639 para tawaging Ninoy Aquino International Airport ang MIA.
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng ginawang pagsusumite ni Duterte Youth Representative Ducielle Cardema noong April 11 ng House Bill 10822, na naglalayong ibalik ang pangalan ng NAIA sa MIA.
Ito ay para umano mas madaling ma-locate ng mga biyahero ang international gateway ng Pilipinas, at makapagbigay sa mga Filipino ng "sense of national pride."
Ani Cardema, “Common sense dictates that it is easier for foreigners and tourists who travel across the world, to locate our country and our international gateway if it is named after our country’s capital, and it gives a sense of national pride for the millions of Filipinos to call it again as the Manila International Airport.”
Dagdag pa niya, “self-serving and highly-politicized act” para isunod ang pangalan ng nasabing airport sa pangalan ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., asawa ni former President Corazon Aquino, na pinaslang noong August 21, 1983.
Idinagdag naman ni Andanar na noong 2020 ay na-deny ng Supreme Court (SC) ang petisyon na ipawalang bisa ang RA 6639.
Ang petisyon ay isinumite ng senatorial candidate na si Larry Gadon, at ibinasura ng SC “for lack of merit.”