Isang TikTok user ang sinampahan ng reklamo at paglabag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos sunugin ng lalaki ang isang PHP20 na perang papel.
Sa naturang video na in-upload sa social media, makikitang sinilaban ang perang papel at ginamit para sindihan ang gin sa bote bago ito ibuhos sa pitsel.
Mababasa rin ang caption na, “oo gin lang kami pero legit.”
Walang paliwanag kung bakit ito ginagawa ng TikTok user, pero ayon sa cwspirits.com, ang pagsunog sa alcohol ay nagpapabawas sa liquid content nito "creating a tastier and richer drink by it being condensed.”
Hindi ang pag-inom ng alcohol ang ikinapahamak ng TikTok user, kundi ang pagsunog nito ng PHP20.
Isang netizen ang nag-upload ng video sa social media na sinunog ang PHP20 bill.
Ang video na ito ay nakaabot sa BSP, na agad kumilos para matunton ang TikToker na nagsunog ng bente pesos na papel.
Nakasaad kasi sa batas na bawal magsunog o sirain ang pera, ulat ni Joseph Morong para sa 24 Oras, April 20, 2022.
Ayon sa Presidential Decree No. 247 ng July 18, 1973: “Prohibiting and penalizing defacement, mutilation, tearing, burning or destruction of central bank notes and coins.”
Mabigat ang parusang naghihintay sa sinumang mapatutunayang guilty rito.
“Violators will then have to pay a fine of not more than PHP20,000 and/or by imprisonment of not more than five years.”
Paliwanag ni Atty. Mark Fajardo, BSP senior investigation officer, mahigpit na ipinagbabawalang pagsira sa perang papel at barya.
“Yung corresponding bank note and then yung coin is pagmamay-ari ng Republika ng Pilipinas,” ani Fajardo.
Dahil sa matinding batikos na natanggap ng TikToker, kaagad daw nitong tinanggal ang ipinost na video.
Pero kumilos na ang BSP para matukoy kung sino ang uploader.
May mga netizens na nakapag-record ng video bago ito tanggalin ng uploader, kaya nire-upload ito.
Ito ang ginamit ng BSP at Philippine National Police (PNP) para matunton ang original uploader.
Sabi ni Dickenson Gamalo, BSP-Quezon City, “Napagtatagni-tagni po in terms of location, the whereabouts, kung saan siya nakatira, and yung identity ng tao, and may mga validations na ginagawa.
Bukod sa P.D. 247 violation, ang lalaki ay sinampahan din ng reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code laban sa unlawful aggression at Cybercrime Prevention Act of 2022.
Babala ni Gamalo, “Kahit sa social media ay maari tayong makapag-commit ng mga ganitong violation. Wala po kayong takas.”
Samantala, sa Facebook page ng BSP ay may mga paalaala ito pagdating pagbabawal at kaparusahan sa pagsira sa mga local currencies.