Plano ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na makipag-ugnayan sa iba’t ibang barangay para magsagawa ng "plaza-type" distribution ng mga hindi pa na-claim na Philippine Identification (PhilID) cards.
Isasagawa ito tuwing weekend.
Ito ang inihayag ni Postmaster General and chief executive officer (CEO) Norman Fulgencio sa ginanap na Laging Handa briefing noong July 18, 2022.
Ani Fulgencio, ang mga hindi pa na-claim na PhilIDs matapos dalawang beses na mai-deliver pero wala ang may-ari ay maaaring ma-claim sa itatakdang plaza-type distribution.
Paliwanag niya, “Meron tayong ginagawang schedule sana on a Sunday. Maipatawag ng kapitan na mai-organize para lahat ng mga nasa partikular na area na yun, mai-deliver natin yung mga IDs doon sa plaza, basketball courts, o barangay hall.”
Pinayuhan din niya ang publiko na i-track ang kanilang PhilIDs sa PHLPost portal na https://tracking.phlpost.gov.ph.
Hanggang noong July 8, nasa 14,033,000 physical cards na ang nai-deliver.
Sinabi ni Fulgencio na mayroon pang 700,000 PhilIDs na naka-schedule for delivery.
Batay naman sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), hanggang noong June 30 ay nasa 68.3 milyong Pilipino na sa 92 milyong target ang nagparehistro na para sa PhilID.
Marami naman sa mga nagparehistro ang nagpakita ng pagkadismaya sa mabagal na production at delivery ng national ID.
Maging si Senator Grace Poe, chairperson ng senate committee on public services ay nagpahayag ng pagkadismaya noong June 23 dahil sa mabagal na pagpoproseso at delivery ng National ID.
Ayon sa post ng senadora sa kanyang official Facebook page, “Ang paghihintay ng mga Pilipino ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang National ID ay hindi katanggap-tanggap.”
Nanawagan din siya sa PSA na bilisan na produksyon at delivery ng PhilID.
Aniya, “With more than half of the population registered, the Filipinos have given the program a chance. It’s high time that the government does its share by delivering the National ID to our citizens without further delay.”