Ipapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang diskuwento sa pasahe para sa mga pasahero ng Public Utility Vehicle (PUV) sa pamamagitan ng Service Contracting Program (SCP).
Sa inilabas na statement noong March 16, 2023 ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, kasalukuyan na aniyang inihahanda ang proposal.
Ang budget naman para sa SCP ay handa na at hinihintay na lang na mai-download sa ahensiya.
“Pagkatapos niyan, tuluy-tuloy na yung SCP,” ani Guadiz.
Read also: Vehicle registration tapos in 10 minutes dahil sa LTO portal
Ang SCP at ang fare reduction program ay susunod sa mga patakaran na ilalabas ng Department of Transportation (DOTr), na magmumula sa tanggapan mismo ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Sisimulan sa April ang fare discount na ipatutupad muna sa Metro Manila bago sa mga karatig na probinsiya.
Sa ilalim ng proposal, ang pasahe sa tradisyunal na dyipni ay magiging PHP9 mula sa kasalukuyang PHP12.
PHP11 naman ang magiging pasahe sa modernized jeepney.
Mababawasan din ng PHP3 hanggang PHP4 ang pasahe sa bus.
Pinag-aaralan pa kung magkano ang magiging fare discount sa mga UV Express.
Ani Guadiz, “I think ang gagawin lang nila is discount lang ang ibibigay sa mga tao para yung pera na PHP1.2 billion, mapagkasya sa maraming mga transport services on a nationwide scale.
“I believe the budget may last only for about six months, half a year. So as early as now, I am requesting the DOTr to come up with additional funding so that we can stretch it until the end of the year.”
Read also: ALAMIN: PhilHealth benefits para sa mga miyembrong buntis
Inaasahan ng LTFRB na mas maraming pondo ang mailalaan para sa nasabing programa para mas maraming pasahero ang makinabang dito.
Sa panayam naman ng TeleRadyo kay Pasang Masda President Obet Martin, sinabi niyang may hangganan ang fare discount na ibinigay ng gobyerno.
"Ito po ay pansamantala lamang kasi may pinaglalaanan po ng budget.
“Ang gagawin po diyan ng ating pamahalaan sa aking kaalaman, ang mga traditional jeepneys na nag-consolidate at mga modern jeepneys na nag-consolidate, coops and korporasyon, sila po ang subject dito.
"Ito po ay merong terms of limits. Hindi naman po ito panghabang panahon.”
Paliwanag pa ni Martin, pag naubos na ang pondo, ibabalik na rin sa dati ang pamasahe.
Read also: Mas pinahabang Holy Week break ngayong 2023: April 6 to April 10