JERRY OLEA: Magsi-swimsuit sina Paolo Ballesteros, Christian Bables, at Martin del Rosario sa pelikulang The Panti Sisters, isa sa walong official entries ng third Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) sa Setyembre 13 to 19.
“Ginawa namin before na kuwento ng magkakaibigan,” pahayag ni Direk Perci Intalan sa presscon ng PPP nitong Marso 28, Huwebes sa Gloria Maris, Gateway Mall, Araneta Center, Quezon City.
“Ito, kuwento ng magkakapatid. So, iyon ang bagong dimension. Na silang tatlo, magkakapatid.
“Parang Die Beautiful meets Tanging Yaman. Ganun. Family comedy kami ngayon!”
Balak simulan ni Direk Perci ang principal photography matapos ang eleksyon sa Mayo, kaya may sapat na panahon ang tatlong bida para magdiyeta at magpapayat.
Sabi nina Christian at Martin, kailangan nila parehong magbawas ng five to ten pounds.
Napapangiting sambit ni Christian, “Magba-volleyball kaming naka-swimsuit.”
Susog ni Martin, “Imagine-in niyo na yung ipitan na magaganap.”
Sambot ni Christian, “Baka mamaya, sa volleyball namin, may mga, 'Hello, world!'”
NOEL FERRER: Nakakatawa ang premise ng kuwento na ang tatay nila ay homophobic na malapit nang mamatay.
At kung sino ang makakapagbigay dito ng apo ay siyang magmamana ng limpak-limpak na milyones.
Sino kaya ang leading lady nina Paolo, Christian, at Martin?
Ang challenge, tulad ng ibang gay movies, ay kung paano ito tatangkilikin hindi lang ng niche gay market kundi ng general public.
Aabangan natin ang kabugan ng tatlong beki actors. Kayo, sino ang pinaka-bet niyo sa Panti Sisters?
GORGY RULA: OK na nga talaga sina Direk Perci at Direk Jun Lana kay Christian Bables.
Pero balik-bading role na si Christian.
Akala ko kasi, ayaw na niya munang magbading sa pelikula.
Sana, makabawi na silang tatlo sa film project na ito.
Sana, may bago pa tayong mapapanood sa PPP ngayong taong ito.
Kasi, dito na rin sisimulan ang pagdiriwang ng 100 Years of Philippine Cinema.