GORGY RULA: Kababalaghan o kabalbalan?
Mabuti at hindi malagim ang sinapit ng isang young actress sa taping kamakailan.
Kasama ni young actress ang controversial singer-actor na nag-taping sa Pampanga para sa isang weekly drama anthology.
Isang lumang bahay sa Pampanga ang location.
Habang hinihintay ang pagse-set up para sa susunod na eksena, umupo raw ang dalawa sa may sala malapit sa malaking bintana ng naturang bahay.
Maya-maya, may nakita raw si young actress na isang matandang babaeng dumaan.
Halos kasabay ng pagpapakita ng matandang babae, bigla raw gumalaw ang kahoy na takip ng bintana, at nag-swing ito papunta sa kinauupuan ni young actress.
Wala raw malakas na hangin.
Wala namang gumalaw, pero ang lakas daw ng paghampas ng bintana na tumama sa ulo ni young actress.
Hinimatay ito at halos sampung minuto raw nawalan ng malay.
Para matiyak na OK ang kalagayan ni young actress, itinakbo siya sa pinakamalapit na hospital.
Pero takot na takot daw si young actress dahil nakita raw niya ang matandang babae na sumusunod sa kanila pababa ng hagdanan.
Mabuti at hindi raw ganoon kalala ang tama ng kahoy sa ulo ni young actress kahit hinimatay na ito, kaya na-discharge din siya agad sa hospital.
Pero hindi na raw tinapos ang taping.
Ipinack-up na raw ang taping, at itinuloy na lang nila sa ibang araw, pero hindi na sa lugar na yun.
JERRY OLEA: Ang init-init ng panahon. Ang mga ahas ay nagsulputan daw. Pati kaya mga elemental ay nabulabog?
Hindi naman siguro ito istoryang pang-April Fools’ Day, ‘no?!
May paniniwala ang matatanda na ang mga kakaibang “nilalang” ay pinakamalakas kung Biyernes Santo, lalo’t nalagutan ng hininga ang Kristo.
Ang iba’y nananalig naman sa Witching Hour na 3 A.M.
Walang masama kung sasangguni ang young actress sa albularyo, di ba?
NOEL FERRER: Buti na lang, hindi naging malala ang sitwasyon sa taping.
Ang tanong ko, nasaan ang leading man ni young actress nang naganap ang lahat ng ito?
Natakot din kaya siya?