Coco Martin, gusto ulit gumawa ng pelikula kay Direk Brillante Mendoza

IMAGE Jerry Olea / Noel Orsal

GORGY RULA: Pinag-uusapan pala nina Coco Martin at Direk Brillante Mendoza ang posibilidad na magtrabaho sila uli sa isang pelikula.

Abala lang ngayon ang Kapamilya Primetime King sa FPJ’s Ang Probinsyano kaya malabo pa siyang magpelikula.

Pero sabi ni Direk Brillante nang nakapanayam namin sa aming radio program na Showbiz Talk Ganern sa DZRH nitong Abril 9, Martes ng gabi, binangit sa kanya ni Coco na gusto nitong makagawa ng pelikula gaya ng ginagawa nila noon.

“Ang sabi naman niya sa akin, ‘Ang gusto ko, gagawa tayo uli yung kung ano yung ginagawa natin dati.

"'Yung hindi commercial, huwag tayong mag-isip ng ganito, kasi dito naman tayo nakilala. Huwag tayong mag-compromise sa mga ganito.

"Saka sabi niya sa akin, ‘Gusto ko, artista ako, direktor ka. Kung ano yung ginagawa natin dati.

"'Pababayaan kita kung ano yung gusto mo, kung ano yung gusto mong gawin,’” pahayag ni Direk Brillante.

Masaya si Direk Brillante para kay Coco dahil hindi raw ito nagbago.

May komunikasyon pa rin sila, at gusto ng Kapamilya star na makagawa sila ulit ng pelikula.

Hanggang sa ngayon ay hindi raw niya maisip na abutin ni Coco ang ganitong tagumpay.

“Kahit naman siya, hindi niya naisip ang ganoon, e.

“Ang gusto lang niya dati, maging character actor na may monthly income na kahit papa'no, merong 30 thousand o 40 thousand a month na maitataguyod sa pamilya niya.

“Iyon lang naman talaga ang pinangarap niya.

"Pero siyempre, hindi natin alam, e, destiny niya iyan.

“Ang maganda sa kanya, noong nag-favor sa kanya ang universe, ginrab niya iyung opportunity, hindi siya nagpabaya.

“Nakita naman natin na ngayon, wala siyang inaabusong tao, wala siyang inaapakang mga tao.

“Hindi siya nakakalimot.

"Maganda at mabuti ang kanyang pagkatao, kaya siguro patuloy siyang biniyayaan ng Diyos,” masayang pahayag ni Direk Brillante, na proud sa lahat na na-achieve ng kanyang protégé.

Coco Martin in Masahista (left) and Serbis (right)

JERRY OLEA: Noong namamayagpag sa mainstream si Piolo Pascual, umariba sa indie films si Coco na ilang beses hinawakan ni Direk Brillante.

Ngayong naghahari si Coco sa telebisyon, ayaw na ni Piolo na gumawa ng teleserye.

May dalawang pelikula si Piolo kay Direk Brillante—Lupang Hinirang at Bayang Magiliw.

Tatagal pa ang FPJ’s Ang Probinsyano, at magwakas man ito ay malamang daw na magbida agad-agad si Coco sa teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo.

Siyempre pa, inaasahang may entry si Coco sa MMFF 2019, lalo pa’t ipagdiriwang natin ang Centennial ng Philippine Cinema.

Horror ba ang pam-filmfest ni Coco sa Disyembre?

Inusisa ko si Direk Brillante kung puwedeng magsama sina Piolo at Coco sa isang pelikulang ididirek niya.

Ani Direk Brillante, wala pa siyang naisip na story o project para sa kanilang dalawa.

Tungkol sa bali-balitang may baby na sina Coco at Julia Montes, ang sabi ni Direk Brillante ay wala siyang alam tungkol dito, at hindi raw nila ito napag-uusapan ni Coco.

NOEL FERRER: Matatagalan pa ang pagbabalik ng tambalang Coco at Direk Brillante sa pelikula.

Sa lakas ng FPJ’s Ang Probinsyano, puwedeng magtagal pa 'yan hanggang sa isang taon.

I’m sure, maghahanap sila ng magandang proyekto para tumatak ang kanilang gagawin—at hindi dadaan lamang.

As per Julia Montes, sila lang ni Coco ang makakasagot sa kanilang pinagdaraanan.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN