GORGY RULA: Napaiyak ang komedyanteng si Super Tekla nang nakatsikahan namin sa set ng pelikula niyang Kiko en Lala nitong Abril 25, Huwebes, sa New Manila, QC.
Bago siya naiyak sa interview namin, naiyak din siya nang napanood ang trailer ng pelikulang ito na idinirek ni Adolf Alix.
Hindi raw niya kasi naisip na maaabot niya itong kinalalagyan niya ngayon, na may pelikulang siya ang bida.
“Pinaka-dream ko lang yung magkaroon ako ng minimum wage na trabaho, e.
“Hindi ko akalain na dati, kung ano lang… sobrang na-amaze lang talaga ako, kaya thankful talaga ako sa GMA.
“Thank you, thank you talaga sa GMA... and of course doon sa mga naniniwala. Kaya tumbasan ko talaga yung pagtitiwala,” naluluhang pahayag ni Super Tekla.
Nakakadagdag-pressure pa sa kanya dahil, feeling niya, sa kanya lahat nakaatang ang kalalabasan ng pelikulang ito.
“Ang bigat. Hindi ko maano, bakit ganun. Ganun ba talaga?
“Yung sa akin nakaatang yung responsibilidad. Kaya nga tinutumbasan ko ‘to ng husay… bahala na ang tao.
“Kung hindi sila maano, wala na akong magawa. Pero I did my best.
"Kumbaga, kung ano ang dapat kong gawin sa mga scenes sa movie, ibinibigay ko ang tama at husay in my own way of comedy,” pahayag ng host ng The Boobay and Tekla Show.
Ang pakiusap lang niya, sana ay huwag siyang ikumpara kay Vice Ganda dahil ang layo niya sa sikat na comedian/TV host.
“Vice Ganda na yun, e! Ano lang naman ba ako?
“Mahirap na siyang abutin, o kahit lagpasan ko man siya, iba na siya.
"Kasi, Vice Ganda na siya. Wala na silang magagawa,” sabi niya.
Kasama ni Tekla rito sina Kim Domingo, Derrick Monasterio, Jo Berry, at Dinve Tetay.
Sa Mayo 22 na ang showing ng Kiko en Lala.
NOEL FERRER: Walang basagan ng trip.
Siguro naman, nag-market study ang producers at may factual backing kung anong klaseng pelikula at sinong artista ang kakagatin ng masa.
Kaya, good luck na lang sa pagbabalik ng GMA sa paggawa ng pelikula.
Basta, kumapit tayo sa pag-asa!
JERRY OLEA: Sa pagyanig ng Avengers: Endgame simula Abril 24, Miyerkules, tameme ang local movies.
Pero sa Mayo... paparating na sila! Iire sa Mayo 1, Labor Day, ang Maledicto at Sons of Nanay Sabel. Ang tapang!
Mother’s Day presentation sa Mayo 8 ang Man and Wife nina Gabby Concepcion & Jodi Sta. Maria, at kung hindi ako nagkakamali ay pati ang Tayong Dalawa Sa Huling Buwan Ng Taon.
Para pa rin sa mga ina sa Mayo 15 ang first horror movie ni Sharon Cuneta na Kuwaresma, maging ang Between Maybes nina Gerald Anderson & Julia Barretto.
Hindi ko pa batid kung may kasabay na Pinoy movie sa Mayo 22 itong Kiko en Lala ni Super Tekla.