GORGY RULA: Tuluy-tuloy ang sayang naramdaman ni Bacoor Mayor Lani Mercado dahil pagkatapos naiproklama si Sen. Bong Revilla, may dagdag-blessing sa kanila—ang pagdating ng bago nilang apo sa panganay nilang babae na si Inah Bautista-del Rosario.
Post ni Mayor Lani sa Facebook nitong Mayo 25, Sabado, “May bagong regalo ang Panginoon sa amin. Ang aming bagong apo, Mikael Domingo Bautista del Rosario.
“May 25, 2019 sa ganap na 11:16 ng umaga pagkatapos ng 14 na oras ng paghihintay sa wakas lumabas na rin siya!
“Congrats kay Vince at Inah sa kanilang ika-3 supling! Congrats din kay Ate Alexa and Kuya Inigo! #BagongApo #Momsieadventures”
Narinig ko noong Mayo 22, Miyerkules, pagkatapos maproklama si Sen. Bong gusto pa raw sana ni Inah na sumama sa proclamation pero isinugod na siya sa Makati Medical Center dahil malapit na itong manganak.
Sa Davao City naka-base si Inah at ng asawa niyang si Vince del Rosario, pero gusto niyang dito manganak para kasama niya ang pamilya niya. Gusto niya talagang ang Mama niyang si Mayor Lani ang nag-aalaga sa kanya.
Congratulations sa pangatlong supling nina Inah at Vince, at dagdag na apo kina Lolo Bong at Lola Lani.
NOEL FERRER: Binabati natin ang bagong blessing sa pamilya Revilla.
Isa si Bong sa dalawang artistang nakapasok sa Top 12 na Senador noong nakaraang eleksyon.
Kung ganun ang nangyari kay Senator Bong, iba naman ang kapalarang inabot ng kaanak ni Senator Lito Lapid.
Bukod sa malungkot na kinasapitan ng kaibigan nating si Mark Lapid, kailangang ma-clear din ang balita ukol kay Ma’am Marissa Lapid na nanatiling tahimik despite the bulk cash smuggling issue na lumutang ulit noong eleksyon.
Ano na nga ba ang nangyari dun?
Sina Senator Revilla at Lapid ang inaasahan nating magtsa-champion ng causes natin—lalo na sa ating industriya—sa Senado.
JERRY OLEA: “Less talk, less mistakes.”
Noong campaign period, tumanggi si Lito sa mga debate. Sa halip, nagpakasipag si LL sa pangangampanya. Ayan, wagi siya!
Kaya hindi na ako nagtataka na tahimik si Lito sa isyu ni Marissa.
Siyempre, masaya tayo para kina Bong at Lani... hindi iyan BoLa, lalong hindi LaBo, hindi rin BoNi kundi... LaBong! Yumayabong!