GORGY RULA: Marami ang nanghinayang na hindi nakapasok sa top ten ng National Costume (NatCos) competition ng Binibining Pilipinas 2019 ang kandidata ng Rizal na si Honey Grace Cartisano.
Pinuri ang suot niyang suman-inspired costume na likha ni Paolo Ballesteros.
Tinext ko si Paolo nitong Mayo 31, Biyernes, nang tungkol sa ginawa niyang national costume na isa pala sa gowns na dinesign niya.
Naisip niya ang konsepto ng suman dahil kilala ang Antipolo, Rizal sa masasarap na suman, kaya bagay na bagay raw kay Honey Grace ang ‘suman-inspired’ na national costume.
Taga-Antipolo ang Kapuso actor-TV host kaya tinulungan niya ang Binibining Rizal na si Honey Grace Cartisano.
“Mahilig talaga ako sa mga pageants, hehehe,” simulang text ni Paolo sa PEP Troika.
“Tumutulong ako pag may candidate na kailangan—like sa styling, make-up, pati sa lakad; and si Honey Grace taga-Antipolo lang din, so ayun,” dagdag niyang text.
Malaki ang pasasalamat ni Honey Grace na ginawan siya ni Paolo ng kakaibang national costume.
Sabi niya sa kanyang Instagram account, “Thank you so much to the genius man behind my Suman Inspired National Costume, @pochoy_29!
“And also for being so considerate because you made sure that we’ll share ideas and peg for the NatCos. You made sure that I want the design. I’m happy and it is FOR ME!
“Naalala ko sketch pa lang binigay mo pero sobrang namangha na kami hehe. I’m GRATEFUL to you! Love you mamwa! Penge talent!”
Marami nang nagawang gowns si Paolo, at isa nga mga huling na-design niya ay ang Filipiniana gown ng isang kandidata sa Mutya ng Pilipinas 2018.
NOEL FERRER: Wow, suman-inspired gown by Paolo Ballesteros!
Ibang facet na naman ng aktor ang ipinakikita niya sa publiko.
Suman sa latik, sa lihiya, suman budbud, ibis o suman pinipig—mabuhay ang pa-suman mo, Pao!
Ano naman ang inspirasyon ng ibang costumes? Katakam-takam din ba?
JERRY OLEA: Malikhain at magaganda ang Top 10 NatCos sa Binibining Pilipinas 2019.
Hanggang 12 noon ng Hunyo 8, Sabado, ang online voting sa kung sino ang deserving ng award para sa Pambansang Kasuotan.
Ang koronasyon ay sa Hunyo 9, Linggo, 7:00 p.m., sa Smart Araneta Coliseum.
Lotlot de Leon man si Honey Grace sa pa-suman ni Paolo Ballesteros, may chance pa rin siyang matamo ang isa sa anim na korona— Miss Universe Philippines, Binibining Pilipinas International, Binibining Pilipinas Intercontinental, Binibining Pilipinas Supranational, Binibining Pilipinas Globe, at Binibining Pilipinas Grand International.
Mabuhay ang dalagang Pilipina!