JERRY OLEA: As of August 16, Friday, umabot na sa PHP603M ang domestic gross ng Hello, Love, Goodbye, ayon sa post ng Star Magic sa Instagram account nito.
Sa international market, kumita na ito ng US$2.1M (more or less PHP111.7M). Kaya bale ang worldwide gross ng pelikula nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ay tinatayang PHP714.7M na.
Nasa ikatlong weekend na ang KathDen movie sa Pilipinas. Sa international screening ay patuloy itong umaarangkada.
Malamang sa alamang na ito ang maging pinakamalakas na pelikulang Pinoy ngayong 2019.
Ang nakikini-kinita kong hahamon sa record na iyan ay ang MMFF 2019 entry nina Vice Ganda at Anne Curtis na Momalland.
NOEL FERRER: Grabe ang repeat viewing ng pelikulang Hello, Love, Goodbye.
Inaasahan ding dadami pa sa ating mga kababayan sa abroad ang susuporta nito lalo pa’t tungkol sa kanila ito.
Nakatulong din na ang daming National Holiday ngayong Agosto at mga cancellation ng classes kaya maraming oras ang mga magbabarkada na manood ng pelikula.
Sana, i-spill over ng success nito ang pagtangkilik ng marami nating kababayan sa iba pang magagandang Pinoy movies na palabas this season. Sana naman!
GORGY RULA: Kaya nga marami ang umaasang magkakaroon ng part two itong pelikula nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Pero ang gusto ng mga KathNiel fans, balik-Daniel at Kathryn na muna. Iyun ang hinihiling nila sa Star Cinema, na ewan ko kung totoong gagawin na nila ang KathNiel movie na pam-Valentine’s Day.
Kaya kung magkakaroon man ng part two ang KathDen movie, mukhang matagal pa iyan at di pa masasabi kung may plano nga ba silang gawin iyun.
Pero sayang, e. Dapat talagang mag-part two itong Hello, Love, Goodbye!