JERRY OLEA
Ipinapanalangin ni Direk Joel Lamangan na pumasok sa Final 4 entries ng MMFF 2019 ang bagong obra niyang Isa Pang Bahaghari.
Napapanahon ba sa Kapaskuhan ang family drama na pinagbibidahan nina Nora Aunor, Phillip Salvador, Michael de Mesa, Zanjoe Marudo, Joseph Marco, at Sanya Looez?
“Oo naman. Tungkol ito sa pagmamahal sa isang pamilya. Pagtanggap, pagmamahal, pagpapatawad,” lahad ni Direk Joel sa casual chikahan namin nitong Oktubre 1, Martes, sa kanyang office sa Timog Avenue, Quezon City.
Iyong MMFF 2018 movie niyang Rainbow’s Sunset, humakot ng awards.
Naniniwala si Direk Joel na malakas din ang laban ng Isa Pang Bahaghari kapag nag-qualify ito.
“Si Michael, hindi naman baklang totoo. Ang husay-husay niyang magbakla.
"Bakit kaya ang husay-husay niyang magbakla?" natatawang sambit ni Direk Joel.
“Ang galing-galing niya talagang magbakla.
“Si Mama Guy, napakahusay. Andoon pa rin ang kanyang kahusayan!
"Mata pa lang, talo na sila kay Ate Guy!"
Nahirapan ba siyang katrabaho si Nora sa pelikulang ito?
“Hindi. Hindi. In fairness to her, hindi,” mabilis na tugon ni Direk Joel.
“Hindi. Wala siyang ano... Isang araw lang, bigla siyang hinika, umuwi na lang siya. Alas-kuwatro na.
"‘Pauwi na ako, Direk, hinihika ako. Hindi mo ako mapapakinabangan.’
“Oo nga naman! Hinihika siya talaga!”
May chemistry pa ba sina Nora at Phillip?
“Meron naman. May kilig-kilig sila!
"Meron pa naman. Mahusay kasing artista silang dalawa, e.
“Pati mga anak, mahusay. Si Zanjoe! Mahusay. Mahaba yung role niya.
"Yung isang lalaki, mahusay rin. Si Joseph Marco.
“Maikli lang ang kanyang exposure, pero mahusay siya. At professional.”
Kapag hindi nakapasok sa December filmfest ang Isa Pang Bahaghari, ipapasok ba nila ito para sa unang Summer MMFF?
Napamulagat si Direk Joel, “Aba! Bahala si Harlene [Bautista]. Siya ang producer!”
Samantala, sa Oktubre 17 ay magsu-shoot na si Direk Joel para sa Viva movie na In Between Goodbyes, na bida sina Lovi Poe, Marco Gumabao, at Tony Labrusca.
NOEL FERRER
Nasa MMFF Execom meeting ako ngayong Oktubre 2, Miyerkules ng hapon.
Napag-usapan na kaiba noong mga nakaraang taon na inililihim ang pagsusumite ng prospective entries, napaka-fierce ang labanan at patindihan ng publicity pati na ng siraan ng mga ibang pelikulang isinumite ngayong 2019.
May announcement kami about this in a while. Tulad sa ibang prospective entries, good luck sa Isa Pang Bahaghari!
GORGY RULA
Nakikita kong proud na proud si Direk Joel Lamangan sa pelikula niyang Isa Pang Bahaghari.
Kahit ang writer nitong si Eric Ramos ay ipinagmamalaking mas maganda ito sa Rainbow’s Sunset.
Malapit na nilang i-launch ang trailer nito, kaya ngayon pa lang ay nagpapasiklaban na ang mga pelikulang isinumite sa MMFF.
Sana nga, magaganda ang mga pelikulang mapipiling bubuo sa Magic 8 ng MMFF 2019.
Huwag na lang sanang negahin ang mga nagsisimula nang mag-promote ng kani-kanyang pelikula.