JERRY OLEA
Mukhang magdidilang-anghel muli si Iza Calzado, ah?!
Bida si Iza sa 15th Cinemalaya (Agosto 2-11, 2019) entry na Pandanggo sa Hukay.
Sa mediacon ng nasabing indie filmfest, sinabi ni Iza na si Ruby Ruiz ang magbe-best actress para sa Iska.
Nagkatotoo iyon.
Bida rin si Iza sa 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Culion. Sa announcement ng Final 4 entries ng MMFF, inihayag ni Iza na ang ninang niya sa kasal na si Judy Ann Santos, mata pa lang sa Mindanao ay pam-best actress na sa MMFF.
Si Juday ay tinaguriang Young Superstar. Ang Superstar ay si Nora Aunor.
Sinundan ni Juday ang mga yapak ni Nora sa Cairo International Film Festival (CIFF) ng Egypt.
Si Nora ang best actress sa 1995 CIFF para sa The Flor Contemplacion Story na idinirek ni Joel Lamangan.
Kapagkuwan ay nag-best actress si Nora sa 1995 MMFF para sa Muling Umawit Ang Puso na si Joel Lamangan din ang nagdirek.
Si Nora ang unang Pinay na best actress sa CIFF. Pangalawa si Juday.
Kinilalang best actress si Juday sa awards night ng 41st CIFF nitong Nobyembre 29, Biyernes (Sabado nang umaga sa Pilipinas) sa Cairo Opera House para sa pelikulang Mindanao na idinirek ni Brillante Mendoza.
NOEL FERRER
Congratulations din kay Direk Brillante Mendoza! Nakamit ng Mindanao ang Henry Barakat Award for Best Artistic Contribution sa CIFF.
Sinabi ko kay Juday na namannamin niya ang paggawa ng magagandang projects at legacy na niya ito sa pelikulang Pilipino.
Sa pagsisimula ng 30th SEA Games ngayong Sabado, lahat ng mga mata ay nakatuon sa mga atletang Pilipino. Pero paano kaya ang mga manlilikhang Pilipino lalo na sa pelikula?
Marami na silang nagbigay at patuloy pa ring nagbibigay ng karangalan sa ating bansa, pero bakit walang major pagpapahalaga sa mga artistang nananalo sa mga major film festivals abroad tulad ni Jaclyn Jose (sa Cannes) na walang parada, hindi katulad ng mga nasa sports at beauty contests.
Ano sa tingin mo, Tito Gorgy?
GORGY RULA
Hayaan na natin kung hindi na nila ipaparada ang mga nagwaging artista natin sa iba’t ibang international film festival.
Sa darating na MMFF 2019 ay ipaparada na rin naman ito ni Judy Ann.
Ang pagkakaalam ko, kung matutuloy ang premiere night ng Mindanao sa December 9, doon na ibibigay kay Judy Ann ang Best Actress trophy niya mula sa Cairo International Film Festival.
Bukod sa Best Actress award, nakuha rin ng naturang pelikula ang Best Artistic Contribution para kay Direk Brillante Mendoza.
Sayang, hindi nakadalo si Judy Ann pati si Direk Brillante sa CIFF kaya si Allen Dizon ang tumanggap ng kanilang parangal.
Proud na proud naman si Allen na siya ang nag-represent doon ng Mindanao.
Sana, makatulong sa promo nitong Mindanao ang pagkapanalo sa Cairo!