JERRY OLEA
Inihayag ng Eat Bulaga! noong Marso 9, Lunes, na wala na muna silang live audience dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Kinabukasan, Marso 10, Martes, nagpahayag ang ABS-CBN na hindi na rin muna sila tatanggap ng live audience sa mga programa nila. Kabilang ang daily noontime show na It’s Showtime at weekly musical-variety show na ASAP Natin ‘To.
Kapagkuwan ay nag-announce ang GMA Network noong Martes din na wala na rin silang live audience sa kanilang mga palabas.
Marso 13, Biyernes ng tanghali, sinabi ni Vice Ganda sa It’s Showtime na postponed ang pilot episode ng bagong programa niyang Everybody, Sing, na mag-uumpisa sana sa Marso 15, Linggo ng gabi, sa Kapamilya Network.
Sa halip, magri-replay ng episodes ng Gandang Gabi, Vice until further notice.
Biyernes ng gabi, March 13, napag-alaman ng PEP Troika na magri-replay na rin lang muna ang ASAP Natin ‘To mula Marso 15 hanggang Abril 12.
Kung susumahin, limang episodes ang panay replay muna ang ipalalabas ng ASAP Natin 'To sa loob ng pansamantalang suspension ng trabaho ng stars at staff ng show.
"This is compliance to the government protocol stating that there should be no mass gathering of 20 people and up," sabi ng source ng PEP Troika.
Ang All-Out Sundays ng GMA-7, magri-replay rin kaya?
NOEL FERRER
Naku, kung kailan nakatutok ang mga tao sa TV dahil nasa bahay lang sila dapat, ngayon pa talaga magri-replay?
Paano na ang mga teleserye, magri-replay rin ba?
O baka mas hahabaan ang oras ng news coverage for public information?
Naku, ibig bang sabihin... nganga ang mga artista at singers at mga staff at crew ng telebisyon at pelikula ngayong panahon ng COVID-19?
GORGY RULA
Nakatanggap din ako ng impormasyon mula sa All-Out Sundays, ang weekly musical variety show ng GMA-7.
Ang sabi mula sa produksyon: "Please be informed that All Out Sundays will have a 'Best Of' episode this Sunday, March 15, in lieu of a live telecast.
"Thank you and keep safe, everyone."
Sa ganitong mga pangyayari, hindi naman siguro gaanong maaapektuhan ang mga artista, kasi malaki ang talent fee nila at nakapag-ipon sila.
Ang apektado nang husto ay ang mga staff at mga crew.
Isang kaibigan na nagtatrabaho sa isang taping ang nagparating sa akin na naghahanap na raw ng mauutangan ang ilang crew.
Kasi, gusto man sana nilang mamili ng madami-daming stock na pagkain, wala naman silang pambili.
Kung tatagal pa ito, tiyak na matataranta na ang karamihan kung saan sila hahanap ng pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Mabuti na lang nga raw, sabi ng iba, walang pasok, kaya bawas pa sa alalahanin nila ang pambaon sa mga anak nila.
Ano kaya ang puwedeng gawin ng TV network pag tumagal pa ito?
Siyempre, sa taping lang naman umaasa ang mga staff at crew. Paano na rin ang mga bagong programa na malapit nang magpa-pilot airing?
Kagaya nitong Ang Sa Iyo ay Akin nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Maricel Soriano, at Sam Milby.
Magsisimula na dapat ito sa March 23, paano nila matuluy-tuloy ito kung mag-stop taping muna sila?
Kaya hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan nito.
NOEL FERRER
In fairness sa ABS-CBN, ang balita ko is that they will give incentive pays for those talents na mawawalan ng taping days.
At least, may ganitong hakbang para hindi totally nganga ang talents nilang walang taping at walang trabaho habang ini-enforce ang "community quarantine" sa Metro Manila.