GORGY RULA
Masaya ang balitang hatid ni aktres dahil siya’y may bagong pag-ibig—isang simpatikong lalaki na taga-showbiz din.
Pero walang kamalay-malay si aktres na may isang babaeng naghihinagpis, at ilang gabing nag-iiyak sa kuwarto.
Ito ay dahil kasalukuyan palang karelasyon ni girl ang simpatikong lalaki.
Taga-showbiz din ang crying lady.
Marami ang nakakaalam sa relasyong nabuo nina crying lady at lalaking simpatiko.
Kaya hindi lang si crying lady ang nagulat sa balitang karelasyon ng aktres si simpatikong lalaki, kundi ang ilang katrabaho nila.
Nagdesisyon si crying lady na makipaghiwalay.
Masakit man, pero kailangan niyang kumalas sa lalaking pinagbuhusan niya ng wagas na pagmamahal.
Pero tawag pa rin daw nang tawag si lalaki at gustong makipagkita kay crying lady.
Ayaw na ni crying lady.
Kailangan nang iwasan ni crying lady ang simpatikong lalaki.
Pero pinupuntahan raw siya sa bahay ng lalaki, na nakikiusap na huwag tapusin ang kanilang relasyon.
Ang the height, gusto pa raw ni lalaki na makaulayaw si crying lady.
Nakikiusap ang babaeng tigilan na siya at tapusin na ang kahibangang ito.
Huwag daw, sabi ng simpatikong lalaki.
Tumatanggi si crying lady, at sinasabi niyang kulang pa ba ang ganda ni aktres para balik-balikan siya?
Pero heto ang isa pang kuwentong nakarating sa amin...
Ang brilliant palusot daw nitong simpatikong lalaki kaya ayaw niyang makipaghiwalay kay crying lady ay dahil magkaiba ang intellectual wavelength nila ng aktres.
Ewan kung totoo itong description niya: “ang sabaw ng utak” ni aktres.
Ano ang verdict ninyo, ka-Troiks, sa mga ganitong tipo ng lalaki?
Ay! Kailangan ba nating pakialaman ang kuwento nila?
Pero kung totoo man ito, dapat sigurong mag-isip-isip na rin si aktres at patunayan niyang hindi lang sabaw ang laman ng ulo niya, ‘no!
NOEL FERRER
Wow, sabaw! Masabaw ba o talagang sabaw ang utak?
In fairness, mabait sa akin ang aktres na ito.
Aktres, kasi may award siya, ha!!!
Pero kung ganito ang turing sa kanya ng simpatikong lalaki, at patuloy na nagloloko... naku, kailangan niyang mag-isip-isip muna.
JERRY OLEA
Makakahigop ba tayo ng mainit na sabaw sa relasyon ng premyadong aktres at simpatikong lalaki?
Ang kasabihan ng mga matatanda, “Ang pag-aasawa ay hindi katulad ng mainit na kanin na kapag isinubo mo at napaso ka ay puwede mong iluwa.”
Naalala ko tuloy ang kantang "Sana, Dalawa Ang Puso Ko" nina Bodjie Dasig at Janno Gibbs.
“Bakit nga kaya iisa ang puso natin/Hindi naman natin maaring hatiin
“Sana, dalawa ang puso ko/ Hindi na sana nalilito kung sino sa inyo
“Sana, dalawa ang puso ko/ Hindi na sana kailangan pang pumili sa inyo...”
Naalala ko rin ang 1995 movie of the same title, na pinagbidahan ni Rustom Padilla at ng mga premyadong aktres na sina Dina Bonnevie at Alice Dixson.
Sa direksiyon ito ng premyadong si Laurice Guillen.
“Ngunit kung isa sa inyo'y mawala/ Di makakaya ang hirap na madarama
“Kahit alam ko na darating din ang araw/ Na pipili ako kung siya na nga o kung ikaw”
Naalala ko rin ang pelikulang Ikaw Ay Akin (1978), kung saan walang itulak-kabigin si Rex (Christopher de Leon) kina Teresita (Nora Aunor) at Sandra (Vilma Santos). Idinirek iyon ng National Artist na si Ishmael Bernal.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika