GORGY RULA
Todo kantiyaw ang Dabarkads sa Eat Bulaga! kay Alden Richards ngayong Agosto 1, Sabado, dahil sa hoodie na suot nito.
Parang dirty white ang kulay at pula ang hood.
Habang pinag-uusapan ang mga karanasan ng theater actors na Choices sa "Bawal Judgmental" segment, na nilaro ni Paolo Contis, sumingit ng tanong si Vic Sotto kung kailan ba sasayaw uli ng Maglalatik si Alden.
Sabi ni Bossing Vic, napansin ito ng writer niya, na ang tinutukoy ay ang asawang si Pauleen Luna.
Parang camisa de tsino kasi ang suot ni Alden at parang panyolito ang pulang hood.
Tawang-tawa ang buong dabarkads, lalo na si Maine Mendoza, nang sinayaw nila ang "Savage Love" sa Tiktok na a la Maglalatik ang steps.
Game na game si Alden na sinakyan ang kantiyaw ni Bossing Vic at ng buong Dabarkads.
At kahit nagpalit na siya ng black T-shirt, tuloy pa rin ang kantiyaw sa kanya kaya tuluy-tuloy din ang pagsasayaw niya.
Siyanga pala, posibleng magbabalik na ang programang "Centerstage" na hinu-host ni Alden.
Mga bata ang contestants dito, pero may naisip silang konsepto na hindi na kailangang lumabas ng bahay ang mga kalahok.
Virtual singing competition ang mangyayari pero palalabasing kumakanta sila sa stage sa studio.
Tini-test pa lang muna nila ngayon at, hopefully, ma-approve para makabalik na ang singing segment na gustung-gustong gawin ni Alden.
JERRY OLEA
Isang taon na ang lumipas mula nang ipalabas noong Hulyo 31, 2019 ang pelikula nina Alden at Kathryn Bernardo na Hello, Love, Goodbye.
Ang naturang pelikula, na prinodyus ng Star Cinema ng ABS-CBN, ang pinakamalakas na pelikulang Pinoy sa kasaysayan, at maraming umaasam na magkaroon ng sequel ang love story nina Joy Fabregas at Ethan del Rosario, ang mga characters nina Kathryn at Alden.
Dahil sa pandemya, lalong lumabo na magkaroon ng Part 2 ang KathDen movie.
Matapos pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN, tuluyan ding naudlot ang teleserye nina Kathryn at Daniel Padilla na Tanging Mahal, maging ang pelikula nilang After Forever.
Ang tanong: Puwede kayang maglaro si Kathryn sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga!??
Gumanap noon si Kathryn bilang batang Marian Rivera sa Kapuso drama series na Endless Love (2010).
NOEL FERRER
Natutuwa ako sa Eat Bulaga! na patuloy ang innovations sa pagpo-programa nang live. Buti na lang, meron nang ibang programa tulad ng kay Alden na maaaring magbukas na ulit!
Sa panahon ngayon, kailangan talaga ng pagbabalanse ng buhay—kalusugan at seguridad—at ng kabuhayan.
Patuloy nating susuportahan ang efforts na nagpapayabong ng industriya, lalo na ngayong panahon ng hamon ng pandemya.