Sagot ni Direk Darryl Yap sa batikos sa kanya at sa "Online Class": "Kami ay sa totoo lang."

by PEP Troika
Aug 9, 2020
Nagpapaka-totoo lang daw si Darryl Yan kaya maraming rants sa kanyang Online Class. Hindi sang-ayon ang isang nakapanood: "Yung ganoong kultura, napakasama. Walang nais gamutin, nagki-create lang ng mas chaotic na sitwasyon."
PHOTO/S: Left: Noel Orsal / Right: Facebook / VinCentiments

JERRY OLEA

Naka-369K views at patuloy na tumataas ang bilang ng views ng kontrobersyal na KPL | Online Class na in-upload nitong Agosto 7, Biyernes sa YouTube channel ng VinCentiments.

Halos sampung minuto ang video ng mga hanash ng estudyanteng si Penelope (Loren Marinas) kaugnay sa online class.

Bahagi ng talak ni Penelope, ang original warshocker, “Hindi lang tayo ang nasa online. Ang nanay ko, may online selling din!

“At hindi hihinto maging bahay ang bahay namin para makibagay sa ibinigay n’yong online class na hindi naman bagay sa amin.

“Tapos, nag-iinaso ka dahil maingay aso namin? Maingay electric fan? Pinatay ko.

“Gusto mo, pag nag-ingay alaga ko, nanay ko at kapatid ko, patahimikin ko rin?

“Pero ma’am, ke iutos mo o hindi, ‘yang p*t*ng inang kapitbahay namin na videoke nang videoke ng bwaka ng ina, kahit hindi mo iuutos... papatayin ko na!”

Sinulat ito ni Darryl Yap, ang writer-director ng sleeper hit movie last year na #Jowable starring Kim Molina, at ng BL series na Sakristan.

Continue reading below ↓

Ang direktor, cinematographer, at editor ay si Vincent L. Asis.

Ito ang pangatlo sa trilogy ng hinaing sa online class.

Nauna ang pagbubunganga ng isang nanay—ang BUNGANAY 2 na in-upload noong Hunyo 24, at humamig na ng 164K views.

Isinulat din ito ni Darryl Yap, with Vincent Asis as director, cinematographer, and editor.

Tampok dito sina Rowena Quejada at Trisha Lopez.

Ang ikalawa sa trilogy ay ang paghihimutok ng isang guro (Roanna Marie)—KPL | RESBAK KAKAK 2 (Online Class).

In-upload ito noong Hulyo 1, at humamig na ng 106K views.

Si Darryl Yap din ang writer nito, with Vincent Asis as director, cinematographer, and editor.

Ang ibig sabihin ng KPL ay “Kung Pwede Lang.”

Maraming nagreklamo sa part 3 ng trilogy dahil sa paninira umano sa mga guro.

Naglabas ng official statement si Darryl Yap nitong Agosto 9, Linggo ng hapon sa Facebook page ng VinCentiments kaugnay sa isyung ito: “SA TOTOO LANG. Ang Opisyal na Pahayag ng Manunulat na si Direk Darryl Yap."

Continue reading below ↓

Ayon sa statement: “Maraming salamat sa mga gurong nakaintindi, na hindi pag-atake kundi pagbibigay pagkakataon sa kanilang hanay ang #KPL #onlineclassrant. hindi lamang ng STUDENTS’ kundi maging ng sa PARENTS’ at TEACHERS’ Rant.

“dahil TOTOO namang sila ang nasisisi sa nangyayari. #SaTotooLang

“Sa totoo lang: Wala pong nagsasabing hindi bastos ang content na ito; Opo, ito po ay naglalaman ng mapanakit na biro at salita— dahil yun ang totoong reaksyon ng nakararami na pinapahalagahan ng VinCentiments.

“kung nasaktan po kayo sa mga salita, iyon po ay bahagi ng mas malalim na paumanhin.

“Sa totoo lang: ito ay isang platform para mas mapagusapan ang isyu nang mas malawakan;

“Sa totoo lang: this opened the floodgates para mag-alsa ang mga apektado, direkta man o hindi

“Maaaring Laban sa akin, sa ngayon. Pero laban talaga sa sistema dapat.

“Sa totoo lang: Later they will thank KPL for burning the bridge that lights their way.

Continue reading below ↓

“Sa totoo lang: Dahil sa KPL na ito, Nalaman nyo ang mga ugali ng isa’t-isa—kung paano sila humaharap sa mga makatotohanang tagpo; kung paano sila magreact—ang inyong mga kaklase, kaibigan, guro atbp.

“KAMI PO ANG VINCENTIMENTS AT HINDI KAMI PARA SA MAGULANG LANG, SA ESTUDYANTE LANG, SA GURO LANG.

“KAMI AY SA TOTOO LANG.”

Continue reading below ↓

NOEL FERRER

Katulad ng paninindigan ng mga kaibigan kong guro, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko papansinin at bibigyan ng espasyo sa aking kamalayan ang ganito.

Dahil, ito ay nanghihingi ng pansin at reaksyon—at kapag na-dignify mo ito at naapektuhan ka, nakuha nila ang gusto nila.

Pero dahil nandito na sa thread ng Troika, at least, sigurado akong makakarating ito sa kinauukulan.

At hindi ako mabibigyan (tulad ng iba pang sumubok nang mag-personal message sa mga gumawa ng Online Class) ng isang form at ng automatic answer na, “Huwag ka masyadong ma-offend today.”

Sabi nga ng kaibigan ko, “Akala talaga nila e simpleng ‘pagka-offend’ o pagiging simpleng balat-sibuyas lang ang magkaroon ng reaksiyon sa kanilang mga insensitibong palabas.

“Ni hindi handang makipagdiskurso at tumanggap ng pagkakamali. Hindi dapat tinatangkilik!”

Panawagan niya, “Kung isa kayo sa 2 milyong follower ng page na ito, umalis na kayo! Hindi mabuti sa kalusugan ng kaisipan!”

Continue reading below ↓

Sabi pa ng isa tungkol sa grupo ni Darryl Yap, “Hanggang auto-reply lang ang kaya. At murahin ang mga bumabatikos. Hindi mag-level up ng diskurso.

“Sa lahat ng ginagawa nilang shorts, hanggang pag-offend sa targeted person lang. So, anong ipinaglalaban nila? Lumilikha lang sila ng kultura ng panggagatong.

“Parang sinasabi niya, 'Minura ka e di murahin mo rin para patas!'

"Yung ganoong kultura, napakasama. Walang nais gamutin, nagki-create lang ng mas chaotic na sitwasyon. Yung dapat pukulin ang wala sa eksena."

Dagdag nito sa inaasal ng direktor: “Ang ironic niya. Hinihiritan niya ang mga kritiko niya bilang mga ‘na-offend’ sa hirit niya, samantalang balat-sibuyas din siya.

“Parang sinasabi niya, 'Minura ka, e, di murahin mo rin para patas!'"

Hindi ko tatanggapin na ito ang bagong normal ng maayos na diskurso.

Sorry!

GORGY RULA

Umaayon ako sa ipinupunto ni Direk Darryl Yap.

Bilang isang magulang ng isang 16-anyos na estudyante, sinusubukan ko na siya ngayong makapag-adjust sa online class.

Continue reading below ↓

May tutor siya sa Math na itinuturo na sa kanya ngayon online.

Kasama niya ang isa ko ring pamangkin na papasok na rin sa online class.

Naririnig kong unti-unti na silang kinukundisyon kung ano ang mangyayari sa ganitong paraan ng pag-aaral.

Next week ay magkakaroon ng orientation ang mga magulang kung paano nila susuportahan ang online class ng kanilang mga anak.

Ano ang ating gagawin?

Lahat naman na magulang ay takot na palabasin ang kanilang mga anak para mag-aral.

Kaya lahat tayo ay dapat mag-adjust sa ganitong bagong normal ng pag-aaral.

Totoong posibleng may ganung problemang haharapin ang mga mag-aaral natin.

E, kahit naman sa regular class, may mga problema pa rin kaya kailangan nating harapin ito.

Alangan namang magmukmok na lang tayo sa takot ng paglobo ng COVID cases?

Ituloy lang ang buhay.

Kawawa naman ang mga kabataan nating pati ang pag-aaral ay maapektuhan dahil sa pandemic na ito.

Continue reading below ↓

Kailangan lang ang dagdag pang pagtutok ng mga magulang para gabayan sila sa kanilang pag-aaral.

Pero paano na ang mga mas mahirap at itinuturing na nasa laylayan na ng lipunan?

Dito na siguro papasok ang dagdag pang trabaho ng LGUs para gabayan ang kanilang kinasasakupan.

Mas pagtuunan ang mga pangangailangan ng kanilang kinasasakupan kesa sa pangangailangan ng kanilang bulsa, ano?

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Nagpapaka-totoo lang daw si Darryl Yan kaya maraming rants sa kanyang Online Class. Hindi sang-ayon ang isang nakapanood: "Yung ganoong kultura, napakasama. Walang nais gamutin, nagki-create lang ng mas chaotic na sitwasyon."
PHOTO/S: Left: Noel Orsal / Right: Facebook / VinCentiments
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results