GORGY RULA
Masasabing masuwerte pa rin ngayong may pandemya sina Gladys Reyes at Myrtle Sarrosa dahil hindi sila nawawalan ng trabaho at may mga endorsement pa silang pinirmahan kamakailan.
Ang laki ng pasasalamat ni Gladys sa mga biyayang lagi niyang ipinagdarasal.
Bukod sa mga negosyong sinimulan nila ng asawang si Christopher Roxas, successful ang kanyang online acting workshop.
Ang wish na lang daw niya ay matupad ang project na pinag-usapan nila ng mga kaibigang sina Angelu de Leon at Carmi Martin.
Kuwento ni Gladys sa virtual mediacon ng iniendorso niyang The Skin Bureau nitong September 26, Sabado, bago pa mag-pandemic ay napag-uusapan nilang bumuo ng isang film project na makakasama niya sina Judy Ann Santos, Claudine Barretto, at Angelu.
Sila ang mga kaibigan ni Gladys nang magkontrabida siya sa mga teleseryeng pinagbidahan ng tatlo.
Natutuwa si Gladys dahil hindi raw nagbago ang pagkakaibigan nila, kahit abala pa rin ang iba sa kanila.
“Si Judy Ann, ang maganda sa kanya, anytime lang yung hi-hello sa Viber, ang bilis niyang sumagot.
“Ang communication namin, parang kahapon lang kami nagkita, hindi kami nagkakailangan kahit matagal na kaming hindi nagkita. Iyon ang maganda sa amin ni Judy Ann,” pakli ni Gladys.
Ganoon din daw kay Angelu.
Kahit hindi ganoon ka-active ang communication nila ni Claudine, ang bilis daw napaoo itong mag-guest sa online show ni Gladys na Pelikuwentuhan.
Kaya okay kung matuloy ang reunion nila sa isang film project na mala-Desperate Housewives ang tema na may pagka-comedy at hindi gaanong madrama.
“Ang naisip namin diyan, before the pandemic, parang may plano na kami na project talaga for all of us.
“Sina Judy Ann, Claudine, Angelu, 'tapos ako. Kumbaga, ito ang mga inapi ko noon na mga bida.
“Mga reyna ng mga teleserye, magsasama-sama ulit, at ako lang ang nag-iisa nilang kontrabida na friends kami in real life until now.
“Na-preserve namin yung friendship namin,” pahayag ni Gladys, na umaasa pa ring matuloy ang dream project niya.
JERRY OLEA
Speaking of Juday and Claudine, panauhin sila sa Usapang Real Life with Luchi Cruz-Valdes sa Oktubre 3, Sabado, 9:00 P.M. sa TV5.
Nagulat si Juday sa Zoom interview with Luchi dahil nakilahok sa usapan ang isang tagahanga niya, na pina-surgery ng aktres noong nagkasakit. Napakabuti talaga ng puso ni Juday!
Inamin naman ni Claudine na na-depress siya dahil sa pandemic.
Nakatakda na kasi silang mag-shooting ni Piolo Pascual sa Italy. May plane tickets na. Kaso, nagkaroon ng lockdown.
Napaluha naman si Claudine nang maalala na malapit na ang death anniversary ng kanyang amang si Miguel Barretto, na pumanaw noong Oktubre 15, 2019.
Sabi ni Claudine, hindi deserve ng parents niyang nag-aaway-away silang magkakapatid. Maganda raw ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang. Pinag-aral sila sa magagandang paaralan.
Pakiwari ni Claudine, hindi na sila magkakaayos na magkakapatid. Itinigil na raw ni Claudine ang pagdarasal na magkaayos pa sila. Mas OK raw na magkakahiwalay na silang magkakapatid para wala nang conflict.
Parehong born-again Christian sina Claudine at Luchi. Nagkaintindihan sila nang sabihin ni Claudine na baka may sumpa o generational curse sa kanilang pamilya kaya nag-aaway-away silang magkakapatid na Barretto.
Nasa Bible daw ang tungkol sa generational curse. Feeling ni Claudine, baka pinagbabayaran nilang magkakapatid ang mga kasalanan ng mga ninuno nila.
Sang-ayon kaya rito sina Gretchen at Marjorie?
GORGY RULA
Si Myrtle Sarrosa naman ay nagpapasalamat din nang ni-renew ang kontrata niya bilang brand ambassador ng isang brand ng pantyliner.
Sa contract signing ni Myrtle para sa Sisters Sanitary Napkin na ginanap sa Palm Grill Morato noong Biyernes, September 25, masaya si Myrtle dahil hindi raw siya pinabayaan ng GMA Artist Center kahit kapipirma pa lang niya nang pumutok ang pandemya.
Kahit naudlot ang programang gagawin niya sa Kapuso Network, isinasama siya sa online shows nila kagaya ng Cool Hub at Playlist Time.
Sa susunod na linggo ay sisimulan na niya ang shooting ng Mamasapano movie. Pero gusto rin niyang mag-focus sa vlogging at iba pang digital content.
NOEL FERRER
Suwerte talaga yung mga may endorsements at pinagtitiwalaan ng mga produkto, kumpanya, at brands ngayon.
Pero napansin ninyo ang mga collab/tie-up sa mga rafflle—and win mga gadgets at kung anik-anik pa?
Iyan din pala ang bagong raket ng mga artista na may ka-tie up na promo giveaways. Binabayaran din pala sila sa ganoon.
Meron ding performers na nag-i-stream nang live for virtual gifts na parang subtle way ng pamamalimos.
Iba-ibang style talaga ang ginagawa to keep one’s financial stability afloat lalo na sa mga panahong ito!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika