JERRY OLEA
Wagas ang hugot ni Piolo Pascual sa kantang "Iiyak Sa Ulan," na magiging lead single ng kanyang upcoming album sa Star Music.
Makadurog-puso ang refrain nito:
Iiyak lang ako pag may ulan/ Iiyak lang ako nang di mo malalaman/ Para di mo makita ang mga matang luhaan/
Di bale nang masaktan/ Di bale na basta’t masaya ka lang
Bahagi ang "Iiyak sa Ulan" sa bagong all-original album na Piolo, kung saan ka-collab ni Piolo ang ilang local female artists.
Ang huling all-original album ni Piolo ay ang Timeless (2007). Meron siyang compilation album na Decades III (2012).
Kakantahin kaya ni Piolo ang "Iiyak Sa Ulan" sa Sunday Noontime Live (SNL) ng TV5? O sa guesting niya sa Dear Charo sa Nobyembre 2, Lunes ng 8:00 p.m., sa FYE Channel ng Kumu?
At any rate, sa katapat na programa ng SNL na All-Out Sundays (AOS) ng GMA-7 ay may bagong artist na iwe-welcome ang AyOS barkada.
Masquerade ball-inspired ang opening number ng AOS sa Sunday kasama sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Gabbi Garcia, Christian Bautista, Mark Bautista, Rita Daniela, Ken Chan, Ruru Madrid, Miguel Tanfelix, Jeremiah Tiangco, Garrett Bolden, Derrick Monasterio, at Paul Salas. Guests sina Rhian Ramos, Winwyn and Vito Marquez, at Anthony Rosaldo sa selebrasyon.
Magpe-perform sina Kyline Alcantara, Mavy Legaspi, Lexi Gonzales, Shayne Sava, at Kim de Leon ng hit song na "Thriller."
May tribute sina Pops Fernandez, Aicelle Santos, at Maricris Garcia sa magigiting na frontliners.
Sagot ni Betong Sumaya ang katatawanan sa "Bentang-Benta" online selling battle kasama sina Archie Alemania, Tetay, at Atak.
Sa ASAP Natin ‘To naman ng A2Z Channel 11, may pasabog na mini-concert si Bamboo, at nakaka-shookt ang pa-heels ni Gardo Versoza.
Magpapasiklab na naman sina Gary Valenciano, Martin Nievera, Zsa Zsa Zsa Padilla, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Kim Chiu, Sarah Geronimo, Jed Madela, Nyoy Volante, Star Hunt Academy Trainees, at marami pang iba.
Umaariba ang ASAP Natin ‘To sa Kantar Twitter TV Ratings Leaderboard, ha?!
GORGY RULA
May nag-forward sa akin ng rating ng ASAP Natin ‘To, pero hindi ko pa pwedeng ilabas dahil hindi pa ito kinumpirma sa akin kung tama yung survey.
Pero hindi maitatangging nangunguna pa rin ang AOS.
Nilinaw naman noon sa mediacon ng Brightlight Productions, producer ng SNL, na hindi sila nakikipagkumpitensiya sa ratings. Ang mahalaga ay may maganda silang ihahain sa mga manonood.
Obvious na pambagets ang mapapanood sa SNL, kung saan co-hosts ni Piolo sina Catriona Gray, Maja Salvador, Jake Ejercito at Donny Pangilinan.
Sa AOS naman ay iwe-welcome si Khalil Ramos bilang bagong Kapuso.
Mas mabuting sa bahay na lang muna tayo at tumutok sa mga programa sa TV dahil sa Linggo ay inaasahan ang pananalasa ng bagyong Rolly.
NOEL FERRER
It’ll be one long Undas weekend na nakapako ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay.
Sarado ang mga sementeryo dahil ipinagbabawal ang public gathering, plus may nakaamba pang bagyong Rolly, kaya no choice... TV ang isa sa ating go-to-sandigan sa pang-aliw!
Kahit parang magkakamukha na at pareho ang hulma ng tatlong Sunday noontime shows, sana ay may production numbers at performers na umangat, at maging noteworthy at exceptional. Yung hindi one and the same, at hindi pang-hype lang.
May the best show, talents and performances win!!!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika