GORGY RULA
Ilang taon din nating hindi napanood si Julia Clarete sa telebisyon mula nang manirahan sila ng kanyang asawa at anak sa Malaysia.
Ngayon ay balik-acting sa drama ang dating Dabarkad ng Eat Bulaga. Mapapanood siya sa Christmaserye ng TV5 na Paano ang Pasko? simula sa Nobyembre 23, Lunes ng 9:00 p.m.
Excited si Julia, hindi lang sa pagbabalik niya sa pag-arte kundi dahil dito sa Pilipinas sila magpa-Pasko.
“Favorite kong Pasko talaga ay Paskong Pinoy. Wala talagang papantay sa saya ng Paskong Pinoy.
"Kahit sabihin nating may pandemya at ang dami nating challenges, pero ang Pinoy talaga, iba," bulalas ni Julia nang nakatsikahan namin sa nakaraang virtual mediacon ng Paano ang Pasko?.
Dagdag na kuwento ni Julia, ang pagbabalik niya sa pag-arte sa isang drama series ay hindi naplano. Ipinagdasal daw niya nang tinawagan siya ng executive producer nitong si Joseph Buncalan.
“Hindi ko akalaing babalik ako,” pakli niya. “Then one day, si Mother Otep [Buncalan] called me up.
“I just prayed it over. I really didn’t think this over that much. Ipinagdasal ko, ipinagpasa-Diyos ko, 'tapos it pushed through.
“So, this is all unplanned.”
Medyo nahirapan daw siya sa adjustment sa taping dahil ibang-iba na ito sa dati niyang ginagawa.
“In terms of adjusting, sobrang hirap ngayon. Yung face mask lang, alam niyo namang may pagka-claustrophobic ako diyan.
"Sa face mask pa lang, 'tapos everywhere you go, you have to be very cautious.
“You can’t hug anyone on the set, you can’t hug your old friends, you can’t beso that we used to do. It’s very challenging.
“But it’s the kindness of the people who are in the production that makes it all worthwhile.
“The faith that you have in the project because it’s absolutely fantastic. The script is never before seen on Philippine television,” sabi pa ng singer-actress at dating host ng Eat Bulaga.
NOEL FERRER
Let us not forget the fact na bago umalis papuntang ibang bansa ay napansin muna ulit si Julia sa galing niya sa pagganap sa pelikulang Bisperas sa Cinemalaya.
Kaya kahit ano pa man ang mangyari, may tatak na ng kahusayan si Julia—sa pag-arte man o sa pagho-host, at maging sa pagkanta pa nga noon, di ba?
Pati na si Maricel Laxa, na iisang pelikula lang ang nilabasan noong 2019 pero na-cite pa ng Manunuri bilang best supporting actress nominee for Hello, Love, Goodbye.
Of course, Maricel has made really noteworthy films na pwedeng niyang ipagmalaki tulad ng Iisa Pa Lamang (1992), Minsan Lamang Magmamahal (1997), Ikaw Ang Lahat Sa Akin (1992), Hindi Kita Malilimutan (1993), at iba pa.
Ipinagkakapuri ko rin ang pagtutuon niya sa kanyang pamilya, at ang pagkapursigido niya sa pagpapahalaga sa edukasyon at good parenting.
Kaabang-abang ang pagbabalik nina Julia at Maricel kahit sa telebisyon lang muna.
JERRY OLEA
Star-studded ang Xmaseryeng Paano Ang Pasko?, kung saan bidang-bida ang napakagaling at napakagandang si Maricel Laxa bilang matriarch na si Faith.
Ang tatlong anak ni Faith ay sina Love (Julia Clarete), Hope (Beauty Gonzalez), at Joy (Devon Seron).
Iikot ang kuwento sa pagsasama-sama ng pamilya tuwing holiday at kung paano naging hadlang sa isang masayang okasyon ang sugat ng nakaraan.
Nasa cast din nito sina Ricky Davao, Elijah Canlas, Allan Paule, Ejay Falcon, Matt Evans, Danita Paner, Devon Seron, Cedrick Juan, Ace Ismael, Justine Buenaflor, at John “Sweet” Lapus bilang mayordoma na si Manang Kitty.
Hitik sa drama at tigmak sa luha ang trailer ng Paano Ang Pasko? kung saan nadaanan lang ng kamera si Sweet, pero asahang agaw-eksena si Sweet sa serye dahil hatid niya ang mga pampagaan at pang-aliw na hirit.
Hanash ni Sweet sa virtual mediacon, “Si Manang Kitty ang confidante at pinagkakatiwalaan ni Faith. Siya ang nakakaalam ng Lihim ng Golden Buddha!”
Humahaplos at kumukurot sa puso ang music video ng serye, ang "Pasko Na Sinta Ko" na kinanta ni Jona.
Ang Paano Ang Pasko? ay isinulat ng Palanca Hall of Famer na si Jun Robles Lana, at idinirek nina Enrico Quizon, Ricky Davao, at Perci Intalan.
Anim na linggo ang seryeng ito, pero pwedeng ma-extend.
Biro ni Direk Perci, ang mga extension o susunod na season nito ay pwedeng Paano Ang Valentine’s Day?, o kaya Paano ang Pasko ng Pagkabuhay?.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika