NOEL FERRER
Isang nakakagimbal na balita ang gumising sa akin sa programa nina Deo Macalma at Angelo Palmones sa DZRH kaninang umaga, December 1.
Ayon sa balita, dalawang direktor—main direktor at ang kanyang assistant—ang nag-positive sa COVID-19. Naganap ito sa lock-in set umano ng pelikula ng Viva Films na nag-shooting sa Caliraya (Laguna), Tagaytay, sa Bulacan.
As it turns out, dumami pa raw ang nagka-COVID na lampas sa sampu. Kaya nagpalit na lang ng direktor para lang matapos ang pelikula.
May sanction kaya ito ng medical officer ng produksyon?
Ito na ang babala ng maraming eksperto tungkol sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 lalo na ngayong Kapaskuhan, at pagluluwag ng ibang restrictions kahit nananatiling nasa GCQ ang Metro Manila hanggang matapos ang taon.
Iyan ang tatalakayin namin sa Level-Up program sa Biyernes, December 4, sa Radyo Katipunan.
Dito sa nangyari sa Viva, nagbanggit ng clue sina Lakay Deo: “syota ni Jake Cuenca” ang star at adaptation ito ng isang Korean movie.
Nabalitaan niyo ba ito, Tito Gorgy at Tito Jerry?
GORGY RULA
Base sa mga napagtanungan ko, nalaman ko kung anong pelikula itong isinyut ng Viva Films na kinunan sa Caliraya sa Laguna, sa Tagaytay, at sa Bulacan.
Hindi lang natin makumpirma rito dahil wala pang pahayag ang Viva, lalo na ang direktor ng naturang project.
Basta, heto lang ang nasagap namin...
Two days na lang daw ay matatapos na ang shooting.
Nang lumipat sila ng location, kung saan automatic na may exit na swab test, doon nalamang positibo sa COVID-19 si Direk.
Napag-alamang nag-positive din ang assistant director at isa pang staff.
Itinanggi ng isa pang napagtanungan naming bahagi ng production na mahigit dalawampu ang nahawa.
Pero kumalat na kasi ang balitang nagkaroon ng hawaan, hindi lang isa o dalawa kundi marami raw, kaya tinapos na lang ang shooting.
Mabuti at ilang sequences na lang daw ang di pa nakunan kaya ipinasalo na ito sa isang resident director nila, at maayos namang natapos ang shooting nung nakaraang linggo.
Pero wala raw sa mga artista ang nahawa. Tiniyak na negative silang lahat sa swab test pagka-pack-up.
Wala raw silang ideya kung saan nahawa si Direk. Pero maingat daw sila sa set lalo na’t may nakabantay na health officer at representative ng LGU ng lugar na pinagsyutingan.
Leksiyon na rin ito sa iba pang produksiyon na ibayong pag-iingat ang lahat ng mga taong involved.
Pero sabi nga nila, kahit anong ingat mo, kung magkakasakit ka talaga, wala kang magagawa.
Kaya ingatan na lang ang ating sarili, at mag-take ng mga pampa-boost ng immune system para makaiwas sa sakit!
JERRY OLEA
Na-paranoid ang ibang artista nang nalamang may nagka-COVID sa set ng Viva project.
May ilang artistang kailangang tumuloy sa shooting ng isa pang proyekto, dalawang beses na raw nagpa-swab test para matiyak na negative sila at wala silang dalang sakit pagdating sa bagong project.
Pero may usap-usapang noong natapos daw ang shooting ng film project na ito ng Viva, tumuloy raw ang mga staff sa isang restaurant sa QC para kumain.
Sa grupong iyon ay marami raw ang nag-positive. Kaya maaring nahawa na rin ang ibang taong kumain doon.
Mahirap talagang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika