JERRY OLEA
Totoo bang humigit-kumulang PHP500M na ang ginastos ng Brightlight Productions para sa mga programa nito sa TV5 sa loob ng limang buwan?
“Nakaka-disappoint ang ROI [return of investment]. Mahina ang ratings at commercial load,” pahayag ng source ng PEP Troika.
Dagdag nito, “Iyong Sunday Kada lang ang rumatsada, kaya hindi na ako nagtaka na nagpaalam na ang Chika, BESH at Usapang Real Life with Luchi Cruz-Valdes.”
Ang Sunday Kada ay ang gag show na pinagbibidahan nina Ritz Azul, Jayson Gainza, Miles Ocampo, Daniel Matsunaga, Jerome Ponce, Joshua Colet, Maxine Medina, at Wacky Kiray.
Ang Chika, BESH ay ang defunct morning talk show na ang hosts ay sina Pokwang, Ria Atayde, at Pauleen Luna.
Sa Brightlight Productions din ang Sunday musical-variety show na Sunday Noontime Live.
THE LOST RECIPE
Ang GMA News TV naman, nagbabadya nang umarangkada ngayong 2021.
Siksik, liglig, at hitik ng mga patalastas ang mga programa ng GMA-7 kahit iyong mga replay.
Palalakasin ng Kapuso Network ang programming ng GMA News TV upang doon ilagay ang mga sobrang commercial.
Mag-uumpisa na ang fantasy-romance series na The Lost Recipe sa Enero 18, Lunes ng 8:00 p.m., sa GMA News TV.
Bida rito sina Kelvin Miranda at Mikee Quintos.
GMA FRESH EPISODES, GMA NEWS TV LINE-UP
Naiulat na natin dito sa PEP Troika na sa Enero 18, Lunes, din magbabalik sa GMA-7 ang Magkaagaw (2:30 p.m.) at Anak ni Waray vs Anak ni Biday (8:00 p.m.), at mag-uumpisa ang fresh episodes ng Love of My Life (8:50 p.m.).
Opo! “Magsasabong” ang pilot episode ng The Lost Recipe (GMA News TV) at ang pagbabalik ng Anak ni Waray vs Anak ni Biday (GMA-7)!
Sa Enero 30, Sabado, naman mag-uumpisa sa GMA News TV ang fantasy rom-com series na My Fantastic Pag-ibig.
Sa unang installment nitong “Love Wars,” nanganganib na magunaw ang mundo ng mga kupido dahil sa trending dating app na Matchmaker. Sa kagustuhang ma-rescue ang kanilang mundo, magpapanggap si Pido (Kim de Leon) bilang mortal at papasok bilang intern sa kumpanya ng dating app. Makikilala ni Pido ang app developer na si Lovelyn (Lexi Gonzales).
Pursigido si Lovelyn na lalong maging successful ang Matchmaker app. Magtagumpay kaya si Pido sa kanyang misyon? Ano ang magagawa ng isang kupido sa growing trend of finding love in the digital age?
Ikinakasa na rin ng GMA News TV ang Heartful Café (Julie Anne San Jose, David Licauco & Andre Paras), Love You Stranger (Gabbi Garcia & Khalil Ramos), Flex (Mavy Legaspi, Lexi Gonzales, JD Domagoso, & Althea Ablan), at Game of the Gens (Andre Paras, Sef Cadayona, & GenDolls).
GORGY RULA
May ilang umarko ang kilay kung bakit sina Kelvin at Mikee ang kinuhang bida sa The Lost Recipe.
Nakita ko ang trailer nito sa kanilang virtual mediacon, maganda siya at bagay silang dalawa. Iyon ang sinabi ng nasa production ng The Lost Recipe na hindi ganoon kadali sa kanila ang pumili ng magbibida sa seryeng ito ng GNTV.
Ang dami raw nilang sinubukang pair, pero nakita raw nila ang kakaibang chemistry kina Kelvin at Mikee. Sa unang audition pa lang daw via Zoom, kitang-kitang daw na bagay ang dalawa.
Sabi pa ng program manager nila na si John Mychal Feraren, “Feeling namin na may something talaga silang dalawa.
“So, pinabalik namin sila again for the second round ng audition. Parang hindi na kami masyadong nahirapan, kasi parang sila na talaga yung perfect dun sa mga characters.
“Ang instruction kasi sa amin nung nagpa-audition kami, hindi si Kelvin o si Mikee ang makita namin. Basahin mo yung script and try to be Harvey and Apple.
"'Tapos, biglang nag-transform sila sa mga characters nila. So, yun talaga ang deciding factor na sila ang mapipili sa project na ito."
Noong unang in-announce na si Kelvin ang magbibida, kaagad na may negatibong komento at nakarating daw ito sa aktor.
Pero hindi siya nagpaapekto at sa halip ginamit niya ito para lalo siyang magpursige na galingan ang performance niya sa The Lost Recipe.
"Noon pa man, may ganun na po akong naririnig. Nasanay na rin po," pakli ni Kelvin.
"Natutuwa ako dahil nai-express nila ang nararamdaman nila, kasi importante maririnig natin ang isa’t isa.
"Para sa akin, tini-take ko naman po as constructive. Kesa intindihin ko pa at masamain ko.
"Sa akin kasi, baka mas makakasama pa kung intindihin ko yung negative side.
"Ginagawa ko na lang siyang stepping stone para mas makatulong sa gusto kong puntahan.
"Yung negative criticisms na yun, ginagawa kong tuntungan para sa kung saan ko gustong puntahan," dagdag na pahayag ng aktor na may anggulong James Reid.
NOEL FERRER
Nakakapanghinayang na dali-dali na lang umuusbong at nangangawala ang mga programa sa TV5.
Bakit kaya ganito ang nangyayari at hindi kinakapitan ng mga manonood?
Sana ay hindi ganito ang maging kapalaran ng The Lost Recipe na umpisa pa lamang ay tinatawaran na ang casting at sinasabihan nang CYNTHIA (o sino siya?) ang mga bida.
Malamang, gusto ng creator nito na concept ang kapitan kahit hindi pa masyadong kilala ang mga bida.
Tingnan natin kung WINNER ito o LOST.
JERRY OLEA
Siyanga pala, streaming na sa Enero 18, Lunes, sa iWant TFC ang rom-com series ng JoRox na Hoy, Love You!
Sa istorya, parehong single parent sina Jules (Joross Gamboa) at Marge (Roxanne Guinoo) na ang tanging hangarin ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kani-kanyang anak.
Pagkatapos mabiyudo, pinagbubutihan ni Jules ang kanyang trabaho bilang contractor habang inaalagaan ang kanyang anak na architecture student (Brenna Garcia).
Si Marge naman ay interior designer mula Manila na iniwan ng dati niyang kasintahan na si Richard (Dominic Ochoa) at mag-isang itinataguyod ang kanilang anak na si Charles (Aljon Mendoza).
Magkakasama sa isang construction project sa Lobo, Batangas sina Jules at Marge. Doon sila magkakakilala at unti-unting mahuhulog ang loob sa isa’t isa.
Tampok din sa Hoy, Love You! sina Karina Bautista, TJ Valderrama, Pepe Herrera, Yamyam Gucong, Keanna Reeves, at Carmi Martin. Mula ito sa direksyon ni Theodore Boborol.
Inilabas ng Star Music ang official theme song ng serye na may parehong pamagat at inawit ng buong cast. Libreng mapapanood ang Hoy, Love You! sa darating na Enero 18 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa official website.
Mayroon itong anim na episodes na isa-isang ilalabas araw-araw tuwing 8:00 pm hanggang Enero 24.
Mapapanood din ang mga ito sa mas malaking screen dahil available na rin ang iWantTFC sa mga piling smart TV brands, ROKU streaming devices at Telstra TV para sa users na nasa labas ng Pilipinas.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika