JERRY OLEA
Naka-250,000 views na sa YouTube channel ng Wish 107.5 ang live performance ni James Reid ng kantang "Soda" sa Wish 107.5 Bus.
Ayon kay James, ang awit ay may bahid ng impluwensiya ng electro-music duo na Daft Punk.
Inaasam ni James na matulungan ang mga taong maging mas upbeat ang pakiramdam sa panahon ng pandemya.
In-upload ang nasabing video noong Pebrero 14, Linggo, Araw ng mga Puso.
Noong Valentine’s Day in-upload sa YouTube ang official lyric video ng "Inevitable" ng Ben&Ben, maging ang official music video ng "Our Love" ni Garrett Bolden, official music video ng "Usahay" ni Jake Zyrus, official music video ng "Paano Kung Naging Tayo ni Jayda," at ang official music video ng "Paubaya" ni Moira de la Torre.
So far, naka-307,000 views na ang official lyric video ng "Inevitable" sa eponymous YouTube channel ng Ben & Ben.
Naka-3,700 views ang official music video ng "Our Love" ni Garrett sa YouTube channel ng GMA Music.
Tampok dito sina Jon Lucas at Jenzel Angeles. Naka-295,000 views ang "Usahay" ni Jake sa YouTube channel ng ABS-CBN Music, at naka-126,000 views ang "Paano Kung Naging Tayo" ni Jayda sa YouTube channel din ng ABS-CBN Music.
Ang official music video ng "Paubaya" kung saan tampok sina Joshua Garcia at Julia Barretto ay naka-16.6M views sa eponymous YouTube channel ni Moira.
GORGY RULA
Pinuri si James Reid sa bagong single niyang ito. Halos lahat, positive comments sa kanya sa music video na iyun ng Wish 107.5 Bus.
Ang iba ay ikinukumpara pa ang boses niya kay Michael Jackson, at underrated daw ang singer-actor.
Siguro, kung nasa Viva pa si James, baka nabigyan ito ng magandang promo at mapasikat lalo ang mga kanta niya. Sana, magawan ito ng paraan ng Careless Music na pag-aari rin niya.
Samantala, tuloy pa rin ang pakikipaglaban ng kasintahan ni James na si Nadine Lustre sa Viva Artist Agency na nagdemanda sa kanya.
Ongoing ang pagdinig ng kaso at kamakailan lang ay humarap na sa cross examination ang dalawang witness ng VAA.
Sa susunod na buwan ay nakatakda nang isalang sa witness stand si Nadine.
Ang hangad pa rin natin ay maayos sana ito kung dadaan pa sila sa mediation.
NOEL FERRER
The more good content—heto sa larangan ng musika—ay mas maganda para sa lahat. Bravo, James Reid, sa bagong kanta!
Katulad ng "Paubaya" ni Moira, makakaasa ba tayo ng cover versions din ng kantang ito ni James?
Malay mo naman. Malamang!
Go lang nang go sa paglikha ng bagong musikang Pinoy, because we all know and have experienced that music heals!