GORGY RULA
Dalawang linggo na lang at matatapos na ang Anak ni Waray vs. Anak ni Biday, at pataas nang pataas na ang rating nito.
Nung nakaraang Biyernes, February 26, ay naka-17% ito, at inaasahang lalo pa itong tututukan.
Sa takbo ng kuwento ay kay Ginalyn (Barbie Forteza) na nai-in love si Kokoy (Migo Adecer), at nagiging friends na lang sila ni Caitlyn (Kate Valdez).
Pero mukhang binubuo ang tandem nina Migo at Kate.
Sila ang pinagtambal sa isang episode My Fantastic Pag-ibig sa GMA News TV bago ito na-rebrand as GTV, na sinundan ng “My Stalker Girlfriend” sa Magpakailanman noong nakaraang Sabado, February 27.
Mataas ang rating ng Magpakailanman episode nila na naka-16.2%.
Ang katapat nitong I Can See Your Voice sa A2Z ay naka-3.2%, at 2 percent naman ang Maalaala Mo Kaya.
Sina Migo at Kate din ang magka-partner sa guesting nila sa bagong drama series ni Julie Anne San Jose na Heartful Café para sa GTV.
Guests din dito sina Barbie Forteza at Jak Roberto.
Suporta nila ito sa bagong drama series ni Julie Anne kung saan si David Licauco naman ang ka-partner nito.
Iyan ang mga iba pang aabangan sa mga bagong drama series na sisimulan ng GMA-7.
Inaabangan ang pagbabalik-Kapuso ni Albert Martinez sa Las Hermanas, at may narinig kaming inaayos na rin ang pagbabalik-akting ng dating beauty queen na matagal nang hindi napapanood.
JERRY OLEA
Nalalapit na rin ang pagtatapos ng Kapamilya teleseryeng Ang Sa Iyo Ay Akin. Tatlong linggo na lamang ito.
Kapahamakan ba nina Jake (Grae Fernandez) at Hope (Kira Balinger) ang magiging kabayaran ng pag-aaway nina Marissa (Jodi Sta. Maria) at Ellice (Iza Calzado)?
Determino si Caesar (Simon Ibarra) na ipapatay ang dalawang bata. Buti na lang, natunton nina Marissa (Jodi Sta. Maria) at Avel (Joseph Marco) kung nasaan sina Jake at Hope.
Nahuli nila si Red (Manuel Chua), ang nautusan ni Caesar na pumatay sa dalawang bata. Papatayin na sana ito ni Marissa nang biglang dumating si Ellice.
Dahil sa kanyang dinatnan, kinutuban si Ellice na may alam si Marissa na hindi nito sinasabi sa kanila.
Sa kabilang banda, lumakas ang hinala ni Gabriel (Sam Milby) sa biyenan na si Belen (Rita Avila) nang mahuli itong may kausap sa telepono tungkol sa paghahanap sa dalawang bata.
Agad na pinaimbestigahan ni Gabriel ang biyenan para malaman kung sino ang kausap nito sa telepono.
Mailigtas kaya nina Marissa at Ellice sina Jake at Hope sa maitim na balak ni Caesar? Malaman na kaya ni Gabriel na magkasabwat sina Belen at Caesar sa pagpapatay kay Jake?
Tutukan ang huling tatlong linggo ng Ang Sa Iyo Ay Akin gabi-gabi, 8:40 p.m. sa A2Z channel.
I-scan lang ang digital TV boxes para mahanap ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Palabas din ito sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, Cignal channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).
Mapapanood din ito Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, TFC, at iWant TFC app, at website nito.
NOEL FERRER
At kasabay ng salpukan ng programa ng mga networks (may franchise man o wala) ay ang tatak-Kapamilya hindi lang sa free TV kundi pati online.
ABS-CBN is ranked #1 YouTube Channel not only in the country but the whole of southeast Asia with 32.7M subscribers and 43 Billion viewers.
Habang nahuhuli tayo sa bakuna sa Southeast Asia, at least panalo naman tayo sa YouTube content viewing. Ok ba iyun?