JERRY OLEA
Nangunguna ang pelikulang Four Sisters Before The Wedding (2020) sa Netflix Philippines mula noong Abril 17, Sabado ng gabi, hanggang ngayong Abril 20, Martes ng hapon, habang isinusulat namin ito.
Ang Four Sisters Before the Wedding ay prequel ng 2013 movie nina Toni Gonzaga, Bea Alonzo, Angel Locsin, Shaina Magdayao, Enchong Dee, Angeline Quinto, at Coney Reyes na Four Sisters and A Wedding.
Tampok sa Four Sisters Before the Wedding sina Charlie Dizon, Alexa Ilacad, Gillian Vicencio, Belle Mariano, at Carmina Villarroel.
Nag-streaming ito umpisa Disyembre 11, 2020 sa KTX, iWant TFC, Sky Cable PPV, Cignal at PPV.
Ipinalabas din ito sa ilang SM Cinemas at CityMall Cinemas na nasa ilalim ng MGCQ. Noong Abril 16, Biyernes, ito nag-umpisang mag-streaming sa Netflix.
Nitong Abril 19, Lunes, ay nakita naming pumasok din sa Top 10 ng Netflix Philippines ang Four Sisters and A Wedding na matagal nang streaming doon. Pumuwesto ito sa #9.
As we write this, ang iba pang nasa Top 10 ng Netflix Philippines ay Love and Monsters (#2), Vincenzo (#3), Tale of the Nine Tailed (#4), Ride or Die (#5), Law School (#6), Minions (#7), Gifted (#8), at Into The Beat (#10).
Tatlo sa Top 10 na iyan ay mga series na pawang mula sa South Korea—Vincenzo, Tale of the Nine Tailed, at Law School. The other seven ay pawang pelikula.
GORGY RULA
Nakakainggit na karamihan sa mga K-drama ay bentang-benta sa Netflix at hindi ito nawawala sa top 10 trending ng bansa.
Gustung-gusto pa rin talaga ng Pinoy audience ang mga K-drama, kaya sangkatutak na ito sa Netflix.
Kaya ang ibang drama series natin ay mala-K drama na rin ang peg.
Kagaya nitong bagong romance-drama ng GMA 7 na Heartful Café nina Julie Anne San Jose at David Licauco.
Inamin ng direktor nilang si Mark Sicat dela Cruz na pinanood niya ang It’s Okay Not To Be Okay at Start Up na mahigit isang buwan ding nag-trending sa Netflix.
Nagandahan daw siya kaya tipong ganun daw ang ginawa niya sa Heartful Café.
Light lang na kilig-kiligan sa mga televiewers, para hindi raw mabigat panoorin.
“Kasi, di ba, malungkot na nga ang nangyayari sa paligid natin. So, pag nagbukas sila ng TV sa ganung oras, may konting kasiyahan silang mararamdaman.
"Pambalanse lang po sa nararamdaman po natin, di ba?” pahayag ni Direk Mark sa nakaraang virtual mediacon ng Heartful Café, na magsisimula na sa GMA Telebabad sa Lunes, April 26.
NOEL FERRER
Talaga namang nahumaling ang mga Pinoy sa K-drama sa Netflix kaya may mga versions tayo nito tulad ng sinabi ni Tito Gorgy na Heartful Café sa GMA-7, at yung Doctor Foster (na ni-remake sa South Korea bilang The World of the Married) sa ABS-CBN.
Sa TV5, ni-remake naman ni Direk Jeffrey Jeturian ang K-drama na Encounter.
Nakakainggit lang, sana all... dahil sa South Korea, grabe ang suporta ng gobyerno sa entertainment industry nila.