GORGY RULA
Diretso ang sagot ng GMA Primetime King na si Dingdong Dantes na wala siyang balak tumakbo sa 2022 elections.
Isa ang pangalan niya sa lumulutang na posibleng tumakbo sa darating na eleksyon. May mga kuwentong marami raw ang nagkukumbinsing tumakbo siya. Merong isasama siya sa isang party-list.
Pero lahat ng ito ay itinanggi ni Dingdong nang nakapanayam namin sa virtual mediacon ng Amazing Earth ngayong Biyernes ng hapon, Hunyo 11.
Isi-celebrate ng Amazing Earth ang kanilang 3rd anniversary at mababago na ang timeslot nito. Mapapanood na ang naturang programa sa GMA-7 tuwing Linggo ng 7:45 p.m.
Sa mediacon ay tinanong ko si Dingdong kung may plano ba siya sa 2022 elections.
“Wala po. Wala po akong plano sa 2022,” matipid niyang sagot sa akin.
Sinundan ko ng tanong kung totoong marami ang kumukumbinsi sa kanyang tumakbo.
“Wala rin. Wala rin,” sagot niya.
Hindi rin daw nila ito pinag-uusapan ng kanyang asawa na si Marian Rivera.
“Hindi na namin napag-usapan kasi wala naman po talagang any plans. So, walang napag-usapan,” dagdag niyang pahayag.
Pwede raw siyang maging active sa ilang advocacy, at isa rito ay ang pangangalaga sa ating kapaligiran.
Naalala ko tuloy ang IG post ni Dingdong tungkol sa mga parks dito sa atin na nawawala na. Kung ano man ang natitira ngayon ay dapat na raw pangalagaan.
Kaya isa raw sa ipi-feature sa anniversary episode ng Amazing Earth ay ang Pasig Rainforest, na napapanatili at naaalagaan sa naturang lungsod.
May interview si Dingdong kay Mayor Vico Sotto kung paano ito napangalagaan ng LGU ng Pasig City.
Sabi pa ni Dingdong, “Yun ang natitirang isa sa mga last remaining lungs of the city.
“Sa Manila, meron ding ganun, that’s why matindi rin effort ng mga LGUs to really preserve these areas.
“Siyempre, hindi mo maiwasang may mga development, di ba?
“May magtatayo ng building, may magtatayo ng mga bahay, pero maganda rin na meron pa ring mga ganito tayong klaseng parks that we maintain, especially within Metro Manila.
“And para sa akin, the best way to really show support sa mga ganitong klaseng initiatives ay pag-feature sa Amazing Earth.
"Kasi, hindi naman lahat ng tao ay alam na may ganito. Hindi naman lahat ng tao ay nakakapunta sa ganitong klaseng mga parks, lalo na sa panahon ngayon.
“That’s why Amazing Earth will serve as your tour guide for now.
“Kung hindi ka man nakakalabas ng bahay, kami na muna ang maglilibot para sa ‘yo. At kami na muna ang magsasabing may ganitong klaseng parks sa Pasig, may ganitong klaseng parks sa Manila na kailangang pangalagaan.
"Para pag nandun ka sa area, bisitahin mo siya, alam mo kung gaano siya kaimportante para sa siyudad at sa buong Metro Manila.”
JERRY OLEA
Pinuno si Dingdong ng AKTOR (League of Filipino Actors).
Idinudulog sa kanya ang mga hinaing ng mga artista sa TV at pelikula.
Pero isinasaalang-alang din ni Dingdong ang pagiging Kapuso Primetime King. Hindi niya basta-basta kakantiin ang GMA Network na nagpasikat sa kanya.
Hindi matatawaran ang malasakit ni Dingdong sa mga taga-showbiz, partikular sa stuntmen.
Isa siya sa mga pinarangalan bilang Cinemadvocate sa Film Ambassadors Night 2021 ng Film Development Council of the Philippines noong Pebrero 28, 2021.
Sandamukal ang umaasam na sumabak si Dingdong sa pulitika upang mas makapaglingkod siya.
Kung ayaw niyang kumandidato, maaaring alukin siya ng puwesto sa gabinete, halimbawa’y Kalihim ng DENR (Department of Environment and Natural Resources).
Pahayag ni Dingdong, “I think, lahat naman po, pwede nating gawin, kahit naman wala tayo sa ganung klaseng posisyon.
“In fact, yung Amazing Earth, di ba? Isa siyang programa na nag-e-educate. Isa siyang programa na nag-e-entertain, and I think that is already a public service because it is not just pure entertainment, it also has values na sinisiguro natin na may quality education and entertainment para sa ating manonood.
“Even in small ways, basta sinisiguro nating ito ay maayos at tingin ko, super worthy iyan para gawin ng kahit sino."
NOEL FERRER
Bilang Chairman ng AKTOR, alam kong kasama sa advocacy ni Dingdong ang mabakunahan ang mga kasama natin sa industriya.
May naka-sked na bakunahan sa mga Aktor, kasama ng initiative ng INGAT ANGAT, bukas, June 12.
Hindi na kailangan ni Dingdong ng elective position para magsilbi, ang dami na niyang natutulungan bilang isang pribadong citizen.
Pero maganda rin na ikinu-consider siyang mabuti at magaling na alternative leader ng kanyang panahon.
We will support Dingdong and his worthy endeavors saanmang larangan ito!