JERRY OLEA
First time na lalabas si Pokwang sa real-life drama anthology na Magpakailanman (#MPK) sa Hulyo 10, Sabado ng 8:00 p.m., sa GMA 7.
Bida si Pokwang sa episode na “Nanay Kontesera” bilang Helen, isang nanay na sumasali sa mga beauty contest upang maitaguyod ang kanyang pamilya. Kayod-kalabaw si Helen, lalo na’t may kapansanan ang isa sa kanyang tatlong anak.
Naging tampulan ng pangungutya si Helen dahil sa paraan niya ng paghahanapbuhay. Pati na ang kanyang sariling pamilya, minamaliit ang pagsali niya sa mga timpalak.
Masiglang imbitasyon ni Pokwang sa Twitter account ng MPK, “Hello-hello-hello, mga bago kong Kapuso!
“Ako po ang inyong ka-MELlennial, ang maganda at nagmamalagandang si Pokwang na nag-aanyaya po sa inyong lahat na manood at suportahan po ninyo ang aking very, very first episode sa Magpakailanman #MPK.
“Naku, talagang bet na bet ko iyong role ko dito! And I'm sure matatawa at maiiyak kayo!”
Samantala, sa Sabado ng 8:30 p.m. ay matutunghayan ang part 2 ng “Loving To Care” episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK) sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC.
Tampok dito sina Zaijian Jaranilla at Nonie Buencamino bilang mag-amang dumaan sa sunud-sunod na pagsubok.
“Dito po sa episode na ito ng MMK, ako po si Andy,” salaysay ni Zaijian sa virtual mediacon ng MMK nitong Hulyo 6, Martes.
“Isa po akong masipag, mabait na bata at saka… parang ang gusto lang niya sa pamilya niya lagi ay mabigyan sila ng magandang buhay.
“At doon sa mga nakapanood ng part 1, ahhm, iyon… sana nakita nila iyon. Sa part 2 naman eventually, naging nars ako.”
Kumusta ang pakikipagtrabaho kay Nonie?
“Alam naman po natin na sobrang beterano na aktor ni Tito Nonie, saka sobrang galing niya,” lahad ni Zaijian.
“So, kailangan maging professional ka palagi. Para pagdating mo sa set, ready ka.
“Tapos, kailangan kung ano iyong gusto niyang gawin, kung ano ang gusto niyang ibato sa iyo, kailangan mong maibalik.
“Kasi, parang… ganoon naman iyong mga artista, parang give-and-take din iyan.
“So, kailangan mong masabayan si Tito Nonie. Kasi, sobrang galing talaga niya! Parang… anytime, pwede ka niyang lamunin.
“Tapos, sobrang happy ko rin. Kasi, naging tatay ko rin siya sa pangalawang MMK ko rin.
“I’m so happy na nagkatrabaho po kami ulit ni Tito Nonie.”
Nataon na sa Sabado ang unang anibersaryo ng denial ng Kongreso sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Kagaya ni Iza Calzado, nanindigan si Zaijian na mananatili siyang Kapamilya forever.
Pahayag ng 19-anyos na si Zaijian, “Kasi, dito na ako nakilala. Dito ako nagsimula sa ABS-CBN. So, utang na loob ko rin po iyon sa kanila, na ang dami na nilang naibigay sa akin.
“Katulad ng makatulong ako sa pamilya ko, and makilala ako, makilala ako ng ibang tao…
“Willing talaga ako na dito mag-stay, at hindi ako lumipat sa kung saan man.
“I’m so happy sa ABS-CBN, kasi, kahit paano po… kahit walang franchise, e, tuluy-tuloy pa rin ang projects, at masaya po ako.”
GORGY RULA
Noong nakaraang Sabado, July 3 ay naka-15% ang replay episode ng Magpakailanman (MPK), at 2.4% ang bagong episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK). Base ito sa AGB NUTAM ratings.
Inaasahang mas tataas pa ang MPK sa darating na Sabado, dahil mataas naman ang viewership ng weekend.
Ang suwerte ni Pokwang na magaganda ang guestings niya. Siya ang nagpasimula ng anniversary celebration ng Wish Ko Lang noong Hulyo 3, at bumagay rin sa kanya ang ibinigay na material ng Magpakailanman.
Sobrang busy ni Pokwang lalo na’t mapapanood na rin ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento sa Hulyo 17. Meron pa siyang bagong cooking show sa bagong BuKo channel na malapit nang magbukas.
Pawang magagandang kuwento pa ang nakakarating sa amin tungkol sa kanya. Ang saya lang daw sa taping with Pokwang, at walang kaproble-problema ang produksyon sa bagong Kapuso artist.
Sa set ng Unang Kuwento, ang saya raw nila sa set at nag-e-enjoy pa sila sa mga pinapasalubong ni Pokwang na tuyo, laing, at suka na negosyo niya.
Mamang, beke nemen!!!
NOEL FERRER
Sa mga palabas na tulad ng Magpakailanman at Maalaala Mo Kaya, nakikita ang best of the best ng mga network.
Dito kasi, hindi minamadali ang pagsu-shoot at talagang pinapaganda dapat.
Buti na lang, mga bagong episodes ang ipinapalabas. Support natin ang mga ito.
Hindi madaling mag-tape ng ganito ngayong pandemic. Walang hazard pay. Pay cut pa nga ang meron.
Pero sulit naman paglabas ng episode!
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.