Liza Diño-Seguerra, inanunsiyo ang pagdiriwang ng 1st Philippine Film Industry Month sa Setyembre

by PEP Troika
Aug 27, 2021
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month, pangungunahan ng FDCP ang by-invitation gala sa Setyembre 12, 2021 sa Manila Metropolitan Theater. Magpapalabas din ng classic Pinoy films sa FDCP Channel.

JERRY OLEA

Hitik na hitik, siksik na siksik, at liglig na liglig sa mga programa at kaganapan ang pagdiriwang ng 1st Philippine Film Industry Month: Ngayon Ang Bagong SineMula.

Pangungunahan ito ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa buong buwan ng Setyembre.

“On February 3, 2021 President Rodrigo Duterte has signed a proclamation declaring the month of September as the Philippine Film Industry Month to recognize the invaluable contribution and sacrifices of all stakeholders and sectors of the film industry, emphasizing the need to showcase and celebrate the achievements and progress of the discipline of film and filmmaking,” pahayag ni FDCP Chair Liza Diño-Seguerra sa virtual mediacon nitong Agosto 26, Huwebes.

Setyembre 12, 1919 ipinalabas sa Teatro de la Comedia ang silent film na Dalagang Bukid, na idinirek ni Jose Nepomuceno at pinagbidahan ni Atang de la Rama. Ito ang unang pelikula na prinodyus at dinirek ng Pilipino, kaya itinuring ang araw na iyon bilang kapanganakan ng pelikulang Pinoy.

Handog ng FDCP ang by-invitation Philippine Film Industry Gala sa Setyembre 12, 2021 sa Manila Metropolitan Theater (MET)—with strict adherence to safety and health protocols. Ito ang natatanging in-person na kaganapan sa selebrasyon.

Highlight ng gala ang screening ng restored version ng B&W film na Dalagang Ilocana (1954), na pinagbidahan ni Gloria Romero. Idinirek ito ni Olive La Torre. Nagwaging best actress si Gloria sa FAMAS para sa pelikulang ito, kung saan co-stars niya sina Ric Rodrigo, Rudy Francisco, at Dolphy.

Bago ang film screening, may book launch (3:00 p.m.), at ilulunsad ang Elwood Perez Retrospective (4:00 p.m.).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓


Sa Setyembre 25-30 pa ang free screenings ng humigit-kumulang isang dosenang pelikula ni Direk Elwood sa FDCP Channel. Kabilang sa mga ito ang Bilangin ang Bituin sa Langit (1989) at Till We Meet Again (1985) nina Nora Aunor at Tirso Cruz III.

Kasama rin ang Ibulong Mo sa Diyos (1988) nina Vilma Santos at Gary Valenciano; Nakawin Natin ang Bawat Sandali (1978); at Masarap, Masakit ang Umibig (1977) nina Vilma Santos at Christopher de Leon.

Mapapanood din ang Beerhouse (1977) nina Charito Solis, Trixia Gomez, at Chanda Romero; Esoterika: Maynila (2014) ni Ronnie Liang; Inday Garutay (1976) ni Trixia Gomez; Otso (2013) nina Monique Azerreda, at Vince Tañada; Shame (1983) nina Claudia Zobel at Patrick de la Rosa.

Nasa lineup ang Stepsisters (1979) nina Lorna Tolentino at Rio Locsin; Isang Gabi... Tatlong Babae! (1974) nina Amalia Fuentes, Boots Anson-Roa, at Pilar Pilapil.

Maliban sa screenings, magho-host ang website ng FDCP Philippine Film Archive (PFA) ng online museum para sa 76-anyos na si Direk Elwood.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Buong Setyembre, walong pelikula ang tampok sa Film Heritage program ng FDCP Channel, curated by the PFA.

Ang mga ito ay Brutal (1980) ni Marilou Diaz-Abaya, Insiang (1976), at White Slavery (1985) ni Lino Brocka; Pagdating sa Dulo (1971) at Manila by Night aka City After Dark (1980) ni Ishmael Bernal.

Mapapanood din ang Sinong Lumikha ng Yoyo, Sino Lumikha ng Moon Buggy (1982); Turumba (1983) ni Kidlat Tahimik; at The Sex Warriors and the Samurai (1996) ni Nick Deocampo.

GORGY RULA

Wala pa ring katiyakan kung ano ang nahaharap na kinabukasan ng ating movie industry.

Hanggang sa ngayon ay wala pang napagkasunduan ang Executive Committee ng Metro Manila Film Festival kung matutuloy ba ito sa darating na Pasko.

Pero marami na ang nakaplano sa FDCP. Pursigido silang gawin sa mga sinehan ang 5th Pista ng Pelikulang Pilipino, at inaayos nila ito sa IATF.

Malaki pa raw talaga ang future ng ating movie industry, ayon kay FDCP Chairperson Liza Diño-Seguerra.

Nakuha na raw natin ang atensiyon at respeto mula sa ibang bansa. Naihahanay na tayo sa mga bansang kinikilala ang kanilang mga pelikula.

Ang gusto niya sanang mangyari, ayon kay Madam Liza, ay ma-penetrate na rin ng mga pelikula natin ang commercial sa ibang bansa.

Iyong kagaya ng Korean films, na hindi lang sa kanilang bansa kaagad na napapanood kundi sa iba pang bansa.

"Yun ang challenge sa atin ngayon. Paano tayo makagawa ng pelikula hindi lang panonoorin sa Pilipinas commercially, pero sa ibang bansa din," pakli ni Chair Liza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kasi, yung art house, naku! Cover na natin 'yan. Talagang we’re in every important film festival in the world. That’s not easy and we’re now beyond novelty.

"Dati kasi, pag pinapanood tayo, novelty ang Philippine Cinema. Ngayon, talagang we have projects na may international collaboration. That legitimizes our international path."

Paliwanag pa ni Liza: "And I do believe, while there are challenges na kinakaharap natin ngayon locally, meron tayong new generation of filmmakers na ang goal is to collaborate. Ang goal nila is to work with a global market in mind. To work in a globally competitive environment.

"Meaning, willing silang i-adjust yung pelikula nila. Willing silang i-adjust yung story nila para mas maging malaki yung audience.

"Willing silang makipag-co-produce, hindi lang private equity na galing sa Pilipinas, isang producer na nagpu-produce ng pelikula. Willing silang maghintay na mabuo yung tamang budget para ma-produce ang mga pelikulang susunod natin makikita in Philippine cinema. And this is what I’m excited about.

"Because there are so many new films. There are so many new projects na partner with different countries."

Ito ngang pelikulang Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine) nina Daniel Padilla at Charo Santos, na dinirek ng baguhang si Carlo Francisco Manatad, kaagad na nakilala sa ibang bansa.

Pagkatapos nitong magwagi sa 74th Locarno International Film Festival (Agosto 4-14) sa Switzerland, papasok ito sa 46th Toronto International Film Festival (Setyembre 9-18) sa Canada, at may apat na raw na international filmfests na naghihintay sa pelikulang ito.

Ang On The Job: The Missing 8 ni Direk Erik Matti, lalaban sa 78th Venice International Film Festival (Setyembre 1-11) sa Italy. Ito ang natatanging Southeast Asian film sa kompetisyon. Sa Setyembre 12 ang HBO GO streaming ng nasabing pelikula na bida sina John Arcilla at Dennis Trillo.

HOT STORIES

NOEL FERRER

So far, ang pinaghahandaan ng MMFF ay ang online short filmmaking seminar workshop bilang tugon at tulong sa students at filmmakers na stuck sa bahay. Libre ang seminar.

Sa mga darating na araw iaanunsiyo ang petsa ng workshops at teachers na practitioners na mangunguna rito.

Hinihintay pa talaga natin ang pagbubukas ng mga sinehan. Sana, soon! Pero bago mangyari iyan, sana ay may mas malawakan nang solusyon sa pandemya.

Alam ko, may isang kasamahan tayo sa industriya na nag-reach out kay FDCP Chair Liza dahil papa-six months na ang Sinovac na ibinakuna sa kanya.

Ang nakuhang tugon ng kaibigan natin ay Liza’s hands are tied, kasi through LGU pa rin ang vaccines. So, wala pa rin talagang pag-asang mag-booster shots. Hintay-hintay na lang tayo sa private sector kung gayon.

JERRY OLEA

Ang Opening ng Philippine Film Industry Month sa Setyembre 1, Miyerkules, may live streaming sa Facebook at YouTube.

Ilulunsad doon ang “Nood Tayo ng Sine” Campaign kasama ang important announcements mula sa International Film Industry Conference (IFIC), First Cut Lab Philippines (FCL PH), FDCP Film Philippines Incentives Program, at Mit Out Sound: International Silent Film Lab.

Sa Setyembre ang first leg ng 5th Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), ang flagship program ng FDCP. Setyembre 7-26 ang free screenings mula sa Sine Kabataan Short Film Competition at Sine Isla: LuzViMinda Short Film Competition.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Inaasam ng FDCP na magbukas ang mga sinehan sa Nobyembre, kaalinsabay ng month-long showing ng walong feature-length films na magtatagisan sa 5th PPP.

Sa ikalimang taon nito, ang Film Industry Conference (Setyembre 16-19) ng FDCP ay magiging IFIC. Ang ibang industry trainings ay ang CreatePHFilms Online Scriptwriting Session, Safety and Health Officers Training Seminar (SHOTS) ng Safe Filming Program ng FDCP, Workshops in Film Incentives (WIFI) at Co-production Masterclass of the FDCP FilmPhilippines Office, Musical Score Lab ng FDCP National Registry (NR) at Mit Out Sound, at FCL PH na inorganisa ng FDCP at Tatino Films.

Ang Unsung Sariling Bayani (USB) Short Film Competition ni Kidlat Tahimik ay patuloy na idadaos.

Ang vaccination program ng FDCP para sa film at entertainment workers, kasama ang "Vaccine Nation is the Solution" program ng City of Manila, ay ipagpapatuloy ang ikalawang dose sa Setyembre 29 sa Adamson University. Para ito sa mga nakatanggap na ng kanilang unang dose noong Agosto 2 sa Palacio de Maynila.

Ang Closing ng Philippine Film Industry Month sa Setyembre 30 ay magtatampok ng Awarding ng Sine Kabataan at Sine Isla winners, paglunsad ng bagong FDCP website, at mga espesyal na anunsyo mula sa FDCP Channel at CreatePHFilms.

“Ngayon ang Bagong SineMula! This is the declaration of hopeful survival of the first- ever Philippine Film Industry Month amid the COVID-19 pandemic,” sabi pa ni FDCP Chair Liza.

"It speaks of a new beginning, a chance to restart and rebuild a system that would be more inclusive and sustainable for all stakeholders, allowing Philippine Cinema to push forth with its heritage and legacy towards a brighter and more prosperous future for the industry."

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month, pangungunahan ng FDCP ang by-invitation gala sa Setyembre 12, 2021 sa Manila Metropolitan Theater. Magpapalabas din ng classic Pinoy films sa FDCP Channel.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results