GORGY RULA
Halos buong pandemya ay sa Olongapo raw nakatira si Claudine Barretto.
Doon na rin daw siya kumuha ng residency niya. At naisipan na ngang tumakbo bilang konsehal sa ilalim ng ticket ng manager niyang si Arnold Vegafria, na tatakbo namang mayor sa naturang lungsod.
Naka-text ng PEP Troika si Arnold, at sinabi niyang dating governor ng Olongapo ang lolo ni Claudine.
Ang namayapang ama ng aktres na si Miguel Barretto ay nagsilbi rin daw dati bilang director ng Subic Bay Management Authority (SBMA).
Tinext ko uli si Arnold dahil ang buong akala ko ay Ilongga ang alaga niyang si Claudine. Sinasabi rin niya noon ng aktres na marunong siyang magsalita ng Ilonggo.
“Taga-Olongapo si Claudine. Lolo niya, dating Governor. Dad niya, former SBMA director.
“Her mom is Ilongga.
“Right now, the whole pandemic nasa SBMA siya,” magkakasunod na text sa akin ni Arnold.
Nasa FB page ng Bangon Olongapo, na partido ni Arnold, na namimigay pa sila noon ng relief goods at bigas sa mga taga-Olongapo.
Naririnig ko rin noon na balak talaga ng talent manager na pasukin ang pulitika, at itinuloy na niya ito ngayon.
Sinabihan ko siyang matrabaho ang mayor, ang bigat ng responsibilidad na dinadala nito.
Paano niya pagkakasyahin sa schedule niya, lalo na’t abala rin siya bilang presidente ng ALV Group of Companies, at ang dami pa niyang mga alagang artista?
“Kaya 'yan! Trust me,” kaagad niyang text back sa akin.
“Ang lapit lang naman, 1 hour and 20 minutes nasa Olongapo ka na,” dagdag na text ni Arnold sa PEP Troika.
NOEL FERRER
Sa anumang ginagawa natin, magandang bumalik at i-ground ang ating sarili sa ating WHY?
At ang isa pang mahalagang tanong kung may papasukin tayong bago, nagtatanong tayo kung FOR WHOM natin ginagawa ito.
Kung ang sagot ay higit sa ating sarili, tayo’y magdarasal at titingnan kung gusto ito ng Diyos para sa atin.
Good luck kina Claudine at ALV.
JERRY OLEA
Kung nasa puso ni Claudine ang paglilingkod sa kapwa, sino tayo para pigilan siya? Good luck sa tinaguriang Optimum Star sa bagong landas na kanyang tatahakin!
Siyanga pala, ire-replay ng MMK ang isang episode ni Claudine ngayong Setyembre 25, Sabado ng 8:30 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, at A2Z Channel 11.
Matapang ang kuwentong ito, na unang ipinalabas noong Oktubre 2015.
Tampok din sa episode na ito sina Gardo Versoza, Mika de la Cruz, Maureen Mauricio, Jao Mapa, Sue Ramirez, at Paolo Gumabao.