Joed Serrano isusulong ang Beki Nation sa senado; iba pang eksena sa filing of COCs

by PEP Troika
Oct 9, 2021
Kabilang sa mga showbiz personalities na tatakbo sa darating na May 2022 elections ay sina Joed Serano (R), Karla Estrada (L), at Raymond Bagatsing.
PHOTO/S: courtesy of Jerry Olea; @karlaestrada1121 @raymundbagatsing on Instagram

JERRY OLEA

Yes, Marites! Makikipagkabugan sa senatorial race si Joed Serrano, ang producer ng pelikulang Anak ng Macho Dancer!

Walang charot, pagka-Presidente sana ang tatakbuhan ni Joed, pero siyempre, ayaw niyang kalabanin ang bro niya sa Monday group ng That’s Entertainment na si Mayor Isko Moreno.

Kung moreno ang kulay ni Isko, pink para kay Leni, luntian para kay “Sara na, naging Bato pa”… mukhang yayakapin ni Joed ang bahaghari. ROYGVIB! Red, Orange, Yellow, Green, Violet, Indigo, Blue!

Nasa kaibuturan ng puso ni Joed ang kapakanan ng Beki Nation!

“Nandito po ako para bigyan ng pansin, ng halaga, ng karapatan at isulong ang equality ng mga kauri ko. Tama po ang narinig ninyo… KAURI ko ang sandatahang kabaklaan,” bahagi ng madamdaming talumpati ni Joed nitong Oktubre 8, 2021, Biyernes, na pinost ng indie actor na si Miko Pasamonte sa Facebook.

Dito niya rin inanunsiyo ang pagtakbo sa senado:

"Ako po si Joed Serrano, tumatakbo bilang senador. And I guess, I’ll be the first aspirant candidate to be very vocal na ako po ay isang bakla.

Continue reading below ↓

“Pasensiya po, kasi, mukhang nakalimutan niyo kami. Walang plano, walang puwang, wala man lang advocacy sa aming mga bakla.

“Pero minsan pong narinig ko kung totoo man, na may nagsabing… masahol daw ang mga bakla sa hayop.”

Si presidential candidate at Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang nagsabi niyon, di ba?

Pagpapatuloy ni Joed, “Pasensiya po, pero hindi po totoo iyan. Dahil ang mga hayop, pinapakain. Ang mga bakla ang nagbibigay ng pagkain.

“Sabi nga po nila, kami ay mga ‘taga.’ Tagabayad ng motor na hinihila! Tagabili ng gatas sa mga dyowang binuntis nila! Tagabayad ng kuryente! Taga-enrol! Tagabayad ng mga renta ng bahay na hindi namin kami ang nakatira!

“Tapos, ano? Kukutyain kami. Idi-discriminate. Ikakahiya. Hindi maipagmalaki. Ano bang problema niyo sa mga bakla?

“Para sa akin, ang bakla, ang ibig sabihin—bakla ang kailangan.”

Sakaling mahalal, pakikialaman ni Joed ang bayad sa kuryente, bayad sa tubig, at minimum wage.

Hanash pa ni Joed, “Nanawagan po ako sa lahat ng kabaklaan. Mga baklang Noranians, magsilabasan kayo, maniwala kayo, may himala!

Continue reading below ↓

“Sa mga baklang Vilmanians, tayo’y mag-Sister Stella L, lumaban ang mga bakla!

“At ang mga baklang Sharonians, alam ko, darating yung panahon, masasambit nating… bukas, luluhod ang mga tala at makikinig sa atin, sa ating mga bakla.

“And, of course, ang mga Boy Abunda at mga ponies ni Vice Ganda, mga bakla, magsibunyi kayo at sabihin ninyo…'Fantastic ka, bakla! Fantastic ka!'” bulalas pa ng confidently beautiful with a big, big heart na si Joed, na kinilala bilang Darling of the Press sa 36th PMPC Star Awards for Movies.

Nitong Sabado ng umaga, ni-repost ni Joed ang video na Facebook post ni Miko. Hirit ni Joed, “Let the Gay Begin! 1 can make a big difference in our society. Be 1. Start now. Go out & lets get loud! Be recognized. Its time to shine! Walang mawawala. You will be heard!”

NOEL FERRER

Seryoso ba talaga si Joed Serrano? At tanong ko rin ito sa lahat ng gustong tumakbo sa halalan—bakit at para kanino nila ginagawa ito? Kailangan ba talagang pasukin ang pulitika para magserbisyo publiko?

Continue reading below ↓

GORGY RULA

Wala pa akong nakuhang reaksiyon sa grupo ng LGBTQIA+ o kahit sa grupong Ladlad kaugnay sa mga pahayag ni Joed. Maaring hindi pa nakarating ito sa kanila.

Pero sa aking pananaw ay mas marami pang problemang kailangang harapin at i-address ng mga tumatakbong pulitiko.

Nakikita ang respetong ibinibigay kay Kuya Boy Abunda, ang suporta ng madlang pipol kay Vice Ganda, tanggap na tanggap na ang mga bakla.

Isa si Joed sa umeksena sa huling araw ng filing ng CoC sa COMELEC kahapon.

Bukod sa kanya, may ilan pang nakagugulat na humabol sa filing.

Isa riyan si Raymond Bagatsing na tatakbo palang vice mayor ng Maynila. Ang lolo ni Raymond na si Ramon Bagatsing ay nanilbihan bilang mayor ng Maynila mula 1971 until 1986.

Continue reading below ↓

Ang isang nakakaintriga ay wala si Daniel Padilla sa tabi ng ina niyang si Karla Estrada nang mag-file ng CoC bilang 3rd nominee sa Tingog Partylist ng mga Waray. Okay na okay sana kung nandoon si Daniel na matatas pang mag-Waray sa pelikula niyang Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine).

Kaagad na nag-react ang mga netizens, at nag-trending ang #WithdrawKarlaEstrada sa tulong pa ng KathNiel fans. Nagagalit sila dahil itong Tingog na nire-represent ni Congresswoman Yedda Romualdez ang isa sa bumoto sa ABS-CBN shutdown.

Pero sabi ni Karla sa panayam sa kanya ng TV Patrol, nagpaalam daw siya sa mga bosses niya sa Kapamilya channel bago siya nagsumite ng kanyang CoC.

Ani Karla, “Ang pagpasok ko dito ay ang hangarin at layunin ko ay alam iyan lahat ng aking mga kapamilya dahil ako ay Kapamilya forever.”

Wala pang pinauunlakang interview si Daniel kaugnay sa pagtakbo ng kanyang ina. Hindi natin alam kung ano ang saloobin niya rito.

Continue reading below ↓

May sarili siyang paninindigan at prinsipyong pinanghahawakan, kaya siguro mas ninais muna niyang manahimik sa ngayon.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Kabilang sa mga showbiz personalities na tatakbo sa darating na May 2022 elections ay sina Joed Serano (R), Karla Estrada (L), at Raymond Bagatsing.
PHOTO/S: courtesy of Jerry Olea; @karlaestrada1121 @raymundbagatsing on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results