GORGY RULA
Nagkaroon ng matinding twist sa The Clash nitong Sabado, December 11, pagkatapos napunta sa bottom ang panlaban ng Tawi-Tawi na si Renz Fernando.
Sa halip na matanggal si Renz, haharap siya sa panibagong laban kung saan bumalik ang anim na ClashBack contenders na sina Ralph Padiernos, Vilmark Viray, Fame Gomez, Raffy Roque, Sky Valentine at Jeffrey dela Torre.
Kung sino ang mananalo sa nagbalik na anim na ClashBack contenders ay siya ang makakalaban ni Renz.
Ang mananalo sa labanang iyun ngayong gabi ay makakabalik sa Top 6 kasama sina Julia Serad, Lovely Restituto, Mariane Osabel, Mauie Francisco at Rare Columna.
Sabi ng ilang taga-The Clash sa PEP Troika, pawang magagaling ang mga naiwang contenders kaya nagkakaroon ng twist para kaya pang lumaban para sa championship.
Isang linggo na lang ay meron nang tatanghaling champion ang The Clash na nasa 4th season na. Pero may mga twists pang magaganap bago maglaban-laban sa championship.
Patuloy na tumutuklas ang GMA-7 ng magagaling na singers sa pamamagitan ng The Clash.
Ipinagpatuloy muna ni Golden Cañedo ang kanyang pag-aaral sa Cebu, at ang pangalawang champion na si Jeremiah Tiangco ay meron nang nai-record na mga kanta sa GMA Music, at regular din sila ng huling champion na si Jessica Villarubin sa All-Out Sundays.
Naniniwala ang mga taga-The Clash lalo na ang mga Clash Panel na sina Ai-Ai delas Alas, Christian Bautista at Lani Misalucha na may pinaplano pa rin ang GMA-7 sa mga bagong singers na produkto ng naturang singing competition.
“I am 100 percent sure na kung sino man ang magiging grand champion na iyan, aalagaan nila. Kasi they are committed to honing or building a new talent.
“Kasi yun ang napag-usapan at kontrata nila and they will do their best to put them in a place that they will be able to be featured and they will be able to be seen.
“Sa ngayon, yun ang alam kong plano. So, for now yun na muna ang gagawin ng GMA Artist Center dun sa whoever the grand champion,” pahayag ni Lani sa mediacon nung nagsimula ang The Clash.
Dagdag na pahayag ng Program Manager na si Ruth Marinas; “It’s a continuous process. It’s very hard actually, but we cannot stop.
“We have to find ways. In any business, we have to find ways to survive. The reason why we continue with The Clash is because we want to keep discovering new talents because we have a lot of talents out there.”
NOEL FERRER
Nakabalik na ang kaibigan nating si Lani Misalucha sa US. Finally, after almost two years, pagkatapos ng mahaba at challenging na ordeal nilang mag-asawa rito sa Maynila ay nakabalik na siya sa Amerika para makasama ang kanyang mga anak at mga mahal na apo.
So, malamang na tapos na ang taping ng The Clash at hihintayin na rin lang natin ang kalalabasan ng grand finals.
Pati ang kaibigan nating Ai-Ai delas Alas ay napakasaya nang nagbabakasyon sa US at nakakaaliw ang kanyang pagti-Tiktok.
Ngayon, let us see kung may “it” factor ba at may class ang mananalo sa The Clash …. malapit na!!!
JERRY OLEA
Abang-abang pa rin tayo kung ano ang kahihinatnan ni Golden Cañedo, ang unang kampeon ng The Clash.
Sabik din tayo sa EP album na ire-release ni Rita Daniela next year, kung saan pawang komposisyon niya ang nakapaloob.
Nitong Disyembre 11, Sabado ng gabi ay maraming trending topics sa Twitter kaugnay sa 6th Eviction Night ng PBB Kumunity Season 10: Celebrity Edition.
Double eviction na naman, at napalayas sa Bahay ni Kuya sina Benedix Ramos at Shanaia Gomez.