JERRY OLEA
Naalala niyo noong New Year ng 2021, binulabog tayo ng pagpanaw ni Christine Dacera kaugnay sa New Year Eve’s party sa isang hotel sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Sa pagsalubong sa 2022, naligaglig naman tayo sa yayamaning Party Girl na si Gwyneth Chua na nagliwaliw noong Disyembre 23 sa isang restaurant at isang bar sa Brgy. Poblacion, Makati City kasama ang kanyang mga kaibigan.
Naka-quarantine pa dapat si Gwyneth sa isang hotel doon din sa Brgy. Poblacion, kaya wala itong keber na maging super spreader.
Nag-positive si Gwyneth sa COVID-19 sa swab test noong Disyembre 27. Nahawa kay Gwyneth ang mga kaibigang nakasalamuha niya.
At kumakalat sa social media ang litrato ng Gwyneth & Friends.
Take note na 261 ang nadagdag na mga bagong kaso noong Disyembre 22, Miyerkules.
Ang mga nadagdag kapagkuwan na bagong kaso:
- 288 noong Disyembre 23, Huwebes
- 310 noong Disyembre 24, Biyernes
- 433 noong Disyembre 25, Sabado
- 433 noong Disyembre 26, Linggo
- 318 noong Disyembre 27, Lunes
- 421 noong Disyembre 28, Martes
- 889 noong Disyembre 29, Miyerkules
- 1,623 noong Disyembre 30, Huwebes
- 2,961 noong Disyembre 31, Biyernes
Mula sa Alert Level 2, itataas sa Alert Level 3 ang National Capital Region umpisa Enero 3, Lunes, hanggang Enero 15, Sabado.
Apektado ang ongoing 47th Metro Manila Film Festival na sa Enero 7 pa magtatapos dahi 30% (sa halip na 50%) na lamang ang allowed capacity sa loob ng mga sinehan umpisa sa Lunes.
Siyempre, apektado rin ang Spider-Man: No Way Home na nakatakdang mag-open sa Enero 8, Sabado, sa local cinemas, at nag-advance ticket selling.
NOEL FERRER
Nakakaalarma talaga ang turn of events dahil sa COVID-19.
Ang tanungan ng mga tao, magsasara na naman ng mga industriya at maghihigpit ng mga restrictions, pero may pampaayuda pa ba?
Kahit sa recent address ng ating Presidente ay may tono ng learned helplessness na ukol sa kakulangan ng pondo.
Paano na kaya tayo? Tayu-tayo na rin lang ba ang aahon sa ating sarili sa tila bagong surge na ito? Paano ang ating industriya? Limitado na naman ang mga galawan at trabaho …ano kaya ang suporta na maaasahan natin sa ating mga lider?
GORGY RULA
Dahil mahigpit pa ring ipinapatupad ang health protocols, itinape na lang ng GMA-7 ang New Year Countdown nito.
Maayos namang nairaos ang isa at kalahating oras na show na pinangunahan nina Bea Alonzo at Alden Richards.
Okay ang mga inihandang production numbers na sinalihan ng mga Kapuso stars. Congratulations sa writers at kay Direk Rommel Gacho na nagdirek nito, dahil naitawid nila ang countdown to 2022 pati sa fireworks display sa SM MOA.
Doon na rin in-announce ni Bea na sila ni Alden ang magsasama sa isang teleserye.
Sabi ni Alden, isa raw ito sa aabangan sa early part of 2022.
Pero ang ilan pa sa aabangang bagong Kapuso drama series ay ang Mano Po Legacy sa January 3, ang book two ng Prima Donnas sa January 17, Little Princess sa January 10, at Artikulo 247 sa February 14.
Marami pa ang naka-line up na mga bagong shows.
May mga pelikula pa na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan. Kaya huwag naman sanang tumaas pa lalo ang COVID-19 cases dahil tiyak na maapektuhan na naman ang taping at shooting ng mga bagong projects na gagawin sa TV at sa pelikula.