GORGY RULA
Kapansin-pansin pa rin ang mababang viewership sa TV nitong nakaraang weekend, Pebrero 5 at 6, 2022.
Makasampa lang ang rating ng mahigit 10%, ang saya na ng taga-production ng isang TV show.
Ang nakakatuwa ay ang magandang rating ng sitcom ni John Lloyd Cruz na Happy ToGetHer. Mataas ang ratings nung magkakasunod na episodes na guest dito si Faith da Silva.
Baka pati televiewers ay nag-iisip na rin kung sinong nababagay na i-partner kay John Lloyd Cruz?
Pagkatapos ng magkakasunod na tatlong episodes na guesting ni Faith, nakadalawang episodes na ang guesting ni Julie Anne San Jose na bumagay rin naman kay Lloydie.
Nung nakaraang Linggo, February 6, naka-13.4% ang Happy ToGetHer na mas mataas kaysa nung January 30 na 12.7%.
Narito ang ratings ng ibang Kapuso programs nung nakaraang Linggo:
Naka-3.4% ang All-Out Sundays. Sumunod ang GMA Blockbusters na 3.4% din.
Naka-3.9% naman ang last episode ng Dear Uge, at ang Regal Studio Presents ay 3.6%.
Sumunod ang Amazing Earth na 4.8%, at ang 24 Oras Weekend ay 11.4%. Naka-11.1% pa ang replay ng Daig Kayo ng Lola Ko.
Samantala, medyo tumaas na ang Kapuso Mo ang Jessica Soho na 16.4%, at okay rin ang The Boobay and Tekla Show na 4.2%.
Medyo mababa rin ang viewership ng prime-time programs nung nakaraang Sabado, February 5.
Ang pinakamataas sa gabi ay ang Agimat ng Agila na 10.9%, at ang Pinoy Big Brother ay naka 1.4% sa A2Z.
Kahit ang 24 Oras Weekend ay 8.5% lamang, at ang combined ratings ng TV Patrol sa A2Z at Kapamilya Channel ay may 1.9%.
Ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento naman ay 9.3%. Pagkatapos ng Agimat ng Agila ay ang Magpakailanman na 10.7%, at ang Maalaala Mo Kaya ay naka 1.7% naman.
Tama siguro ang obserbasyon ng iba na abala na ang mga tao sa panonood sa iba’t ibang streaming app, at sa TikTok naman busy ang mga kabataan, kaya hindi na nakatuwaan ang tumutok sa mga programa sa telebisyon.
JERRY OLEA
Tatlong gabing kinabog ng adventures ni Cardo Dalisay (Coco Martin) ang love triangle nina Mikoy (Paolo Contis), Celeste (Heart Evangelista), at Tonito (Richard Yap).
Noong Pebrero 1, Martes, Chinese New Year, ang FPJ’s Ang Probinsyano (FPJAP) ay naka-11.8% na combined ratings sa A2Z, TV5, Kapamilya Channel, at Cine Mo.
Samantalang ang I Left My Heart In Sorsogon (ILMHIS) ay 11.2% ang combined ratings sa GMA 7 at GTV. Ayon iyan sa datos ng AGB Nielsen NUTAM Ratings.
Noong Pebrero 2, Miyerkules, naka-12.2% ang FPJAP, kumpara sa 11.2% ng ILMHIS. Lumaki ang agwat!
Noong Pebrero 3, Huwebes ay naka-12.7% ang FPJAP, kumpara sa 12.4% ng ILMHIS. Papataas ang ratings ng FPJAP, pero humahabol ang ILMHIS.
At noong Pebrero 4, Biyernes, nakabawi ang Kapuso Network! Naka-12.2% ang ILMHIS kumpara sa 11.6% ng FPJAP.
Sa huling Lunes ng ILMHIS nitong Pebrero 7 ay naka-12.2% pa rin ito, kumpara sa 11% ng FPJAP.
Nito ring Pebrero 7, Lunes, naging mas maaga na ang timeslot ng Mano Po Legacy: The Family Fortune, na naka-8.5%.
Tumaas na ang rating ng Chinoyserye ng Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza. Mas mataas na kesa sa panghapong drama series ni Jo Berry na Little Princess!
Pumuwesto ang Mano Po Legacy sa timeslot ng I Can See You: AlterNate ni Dingdong Dantes, na ang rating ng finale ay 10%.
Noong weekend, Pebrero 5 at 6, Sabado at Linggo, namayagpag sa ratings ang mga programa ng GMA-7 at GTV, pero hindi kalakasan ang viewership.
Dahil topnotcher ang Agimat ng Agila (Season 2) ni Senator Bong Revilla noong Sabado, ngayon pa lang ay inaasam na nating magkaroon ito ng Season 3.
Noong Linggo ay nanguna pa rin ang Kapuso Mo, Jessica Soho, na sinundan ng Happy ToGetHer ni John Lloyd Cruz.
Kaya okay lang sa GMA-7 na pakawalan si Willie Revillame, dahil Kapuso na si Lloydie at namamayagpag ito sa ratings.
Abang-abang tayo kung ang magiging Kapuso program ni Bea Alonzo ay raratsada rin!
NOEL FERRER
Hayyyy naku, dahil campaign season na, baka rin mas maligalig ang mga tao ngayon at hindi na sa TV ang tuon nila.
Ang aabangan ko, kung paano makakaapekto ang pag-alis ni Toni Gonzaga sa PBB at sa ABS-CBN pagkatapos niyang ma-trigger ang mga tao noong Pebrero 8, Martes ng gabi, dahil sa pagho-host niya ng mga kaganapan sa Philippine Arena.
Abangan!