GORGY RULA
Nag-react ang ibang hosts at staff ng Lunch Out Loud (LOL) sa kumakalat na tsikang hanggang end of February na lamang ang noontime show ng TV5.
Ilang beses nang natsitsismis na masisibak ang LOL, pero napapanood pa rin naman ito tuwing tanghali mula Lunes hanggang Sabado. Pero nagtataka lang sila kung bakit may taning na ito hanggang sa katapusan ng buwang ito.
Ang taga-Brightlight Productions na si Pat-P Daza ang unang sumagot sa text ng PEP Troika para hingan ng reaksiyon sa naturang isyu.
Aniya, “No truth to the rumors. We’re taping next week and we’re lauching new segments.”
Narinig ko nga sa nakaraang birthday dinner ng senatoriable na si Jinggoy Estrada ang tsikahan nina Bayani Agbayani at Direk Bobet Vidanes na pinag-uusapan nila ang bagong segments na gagawin at excited silang dalawa.
Hiningan ko rin ng reaksiyon si Bayani, na tinext namin ngayong Huwebes, February 24, 2022. Ang haba tuloy ng hanash ni Bayani na kaagad kaming sinagot.
Aniya, “Hindi po totoo yan. Ang sabi po sa amin ni Mr. Albee Benitez, tuluy-tuloy ang show namin na Lunch Out Loud. Marami kaming ads, commercials and intrusion sa show.
“Pangalawa pa din kami sa Eat Bulaga sa rating ng mga noontime shows. Marami lang po talagang nagpapakalat ng ganyang news na atat na atat sa time slot namin hehehe.
“At mga walang puso na may kagustuhang mawalan ng trabaho ang mga kapwa nila sa industriya na ang tanging hangad lamang ay magtrabaho para sa mga mahal nilang pamilya.”
Hindi raw sila nagtataka sa ganitong tsismis, dahil ilang beses na nila itong pinag-usapan.
“Last year pa po yan. Sabi, three months lang daw itatagal ng Lunch Out Loud, e, kaso mo po magdadalawang taon na kami hahaha!
“Sa tulong po ng mga taong nagpapasaya at natutulungan namin, tuluy-tuloy pa rin ang Lunch Out Loud. Thank you Lord [praying emoji].
“Kung sino man po ang nagpapakalat niyan, Diyos na bahala sa inyo [hearts emoji],” dagdag na text ni Bayani.
JERRY OLEA
Sino bang Marites ang nagchika na P2B na raw ang lugi ng Lunch Out Loud? E, ayan nga at may commercial load pa rin ito.
At kung mag-Alert Level 1 na umpisa Marso 1, Martes… hopefully ay madagdagan ang patalastas nito.
Sa Martes e Mardi Gras o Fat Tuesday. Magkakaalaman sa araw na iyon kung kanino ang mataginting na halakhak!
NOEL FERRER
Kailangan ng mga programa tulad ng LOL dahil it creates jobs.
Matagal nang nababalitang may taning na ang programa. Ok lang iyun at pinag uusapan... para nasa consciousness ng tao… at lalong susuportahan.
Game lang. At sana, humaba pa ang buhay ng mga programang tulad ng LOL!